ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kaso ng human trafficking pinapaimbestigahan sa Kamara


MANILA - Dalawang kongresista ang naghain ng resolusyon sa Kamara de Representante upang hilingin na imbestigahan ang tumataas na bilang ng insidente ng human trafficking sa bansa. Sa pahayag nitong Miyerkules, sinabi nina Citizens Battle Against Corruption (Cibac) party-list Reps. Joel Villanueva at Cinchona Cruz-Gonzales, karamihan sa mga biktima ng human trafficking ay mga babae at bata. Nasasadlak umano ang mga biktima sa prostitusyon sa ibang bansa at mayroon ding ginagamit ng sindikato sa bentahan ng lamang-loob. Sa House Resolution (HR) No. 779, nais ng mga kongresista na suriin ang mga kasalukuyang batas at programa ng pamahalaan laban sa human trafficking sa kabila ng pagkakapasa ng Republic Act (RA) 9208 o Anti-Trafficking of Persons Act of 2003. "Most of the victims of trafficking are being exploited as commercial sex workers, forced laborers and even unwilling organ donors," ayon kay Villanueva. Sinabi nina Villanueva at Cruz-Gonzales na mismong nanggaling sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkumpirma na ang Pilipinas ay pang-lima sa mga bansa sa mundo na may malaking bilang ng insidente ng human trafficking. Ayon umano sa ulat ng NBI, 80 porsiyento ng mga biktima ng human trafficking ay babae na may edad 18 anyos pababa at karaniwang dinadala sa Malaysia, Singapore, Thailand at Cyprus. Nakasaad sa resolusyon ng CIBAC na mayroong mahigit 400,000 katao ang biktima ng human trafficking sa bansa at halos 100,000 naman sa mga ito ang mga bata. "Human trafficking is fast becoming a major transnational crime next only to the illegal drugs trade and illegal arms trade," puna ni Villanueva. Naniniwala naman si Cruz-Gonzales na posibleng mas mataas pa rito ang tunay na bilang ng mga biktima ng human trafficking. "In fact, as of last year, only a little over a thousand cases were officially reported," ayon sa lady solon. - GMANews.TV