ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Gulo sa Mindanao itigil, krisis sa ekonomya tutukan - CBCP chief
MANILA - Hiniling ang lider ng Catholic Bishop Conference of the Philippines nitong Huwebes sa pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front na itigil na ang labanan sa Mindanao. Ang panawagan ay ginawa ni CBCP president at Jaro archbishop Angel Lagdameo kasunod na rin ng nakaambang krisis sa ekonomya bunga ng pagtamlay ng kalakalan sa US na posibleng nakaapekto sa buong mundo. Sa naging panayam ng Veritas radio, inihayag ng arsobispo na makabubuting bigyan muli ng pagkakataon ng makabilang panig na mamamayani ang kapayapaan at bumalik sa negosasyon. Nanawagan si Lagdameo sa lahat ng mga Kristiyano at Muslim na sama-samang manalangin para sa kapayapaan sa Mindanao at hindi na madagdagan ang bilang ng mga nasasawi at nasasaktan. Higit umanong matutukan ng pamahaaan ang pagharap sa problema ng ekonomya kung matitigil ang kaguluhan sa Mindanao. Kasabay nito, tinutulan din ni Lagdameo ang anumang panibagong buwis na kukunin ng gobyerno sa mamamayan bunga na rin ng mga mungkahi na singilin ng tax ang mga text message. Sinabi ng arsobispo na hindi ito ang magandang panahon na magpatupad ng bagong buwis dahil sa nakaambang krisis sa ekonomya. Idinagdag naman ni Bishop Emeritus Teodoro Bacani na magkakaroon ng epekto sa presyo ng mga serbisyo at produkto kapag binuwisan ang text message. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular