ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

85% ng kanayunan sa RP salat sa malinis na tubig - solon


MANILA – Mahigit 85 porsyento ng mga naninirahan sa kanayunan sa Pilipinas ang walang sapat na suplay ng malinis na tubig, ayon kay Senador Ramon “Bong" Revilla Jr., nitong Miyerkules. “Sumasaklaw ito sa 85 porsyento ng mga residente sa kanayunan ang wala pang kaukulang access sa sapat na suplay ng malinis na inuming tubig na isang dahilan sa paglaganap ng mga water-borne diseases tulad ng typhoid fever, amoebiasis at diarrhea," ayon sa pahayag ng senador nitong Miyerkules. Sinabi nito na 763 bayan at lungsod sa bansa ang wala pang water district kaya iginiit ni Revilla na amyendahan ang Presidential Decree No. 198 o ang Provincial Water Utilities Act. “Five hundred ninety five (595) water districts that have been formed covering seven hundred thirty seven (737) cities and towns throughout the country provide potable drinking water to some 13.3 million Filipinos," paliwanag ng senador. “Through an improved water utility system, economic growth in a community speeds up, safeguards public health, and protects the well-being of the citizenry," idinagdag niya. Batay umano sa ulat ng United Nations Development Programme (UNDP), ang global development network ng United Nations, lumitaw na mahigit 10 milyong Filipino ang walang paraan upang makakuha ng malinis na inuming tubig, habang mahigt 21 milyon naman ang kulang sa sanitasyon. Batay sa UNDP report, karamihan sa napagkakaitan ng malinis na tubig at kulang sa sanitasyon ay mga nakatira sa iskuwater at mga mahihirap na naninirahan sa rural areas. Tinukoy sa pag-aaral na kritikal ang kalidad ng tubig sa mga matataong lugar gaya ng Metro Manila, Central Luzon, Southern Tagalog, at Central Visayas. “Nahaharap na ang bansa sa problema sa food security. Ang malala pa rito hindi pa tayo makapagbigay ng malinis na inuming tubig. Nakakadismayang marami pa rin sa ating mga kababayan ang wala pa ring direct access sa malinis na inuming tubig gayong ang Pilipinas ay bansang mayaman sa tubig," puna ni Revilla. Hiniling ni Revilla sa mga kasamahan sa Senado na aprubahan ang Senate Bill 2486 para maitaas ang capital ng LWUA sa P25 bilyon mula sa kasalukuyang P2.5 bilyon upang mapalawak ang benepisyo sa maayos na potable water system. Ang LWUA ay isang specialized lending institution na may mandato na itaguyod at tingnan ang pagpapaunlad ng provincial waterworks systems sa bansa. - GMANews.TV