Filtered By: Topstories
News

Lacson nagpaliwanag sa boto sa Jpepa


MANILA — Itinanggi Sen. Panfilo Lacson nitong Sabado na bumoto siya pabor sa pagpasa ng Japan Philippines Economic Partnership Agreement (Jpepa) kapalit ng pag-imbestiga kay Senate President Manny Villar sa Senate ethics committee. "Napaka-petty na issue para ma-constitute ang ethics committee para diyan," pahayag ng senador sa panayam ng dwIZ radio. Sinabi ni Lacson na pinaboran niya ang kontrobersyal na kasunduan ng Pilipinas at Japan dahil naipangako n’ya kay Philippine Ambassador to Japan Domingo Siazon Jr na susuportahan ito. Idinagdag pa niya na naaksyunan naman umano ang mga kontrobersyal na probisyon sa kasunduan partikular sa aspeto ng environmental at Constitutional concerns. "Na-address naman so sunod ko salita ko. Sabi ko my word is my bond," aniya. Si Villar ay inireklamo ng conflict of interest ni Sen. Ana Consuelo Madrigal sa Ethics committee kaugnay sa paglalaan ng karagdagang pondo sa C-5 Road project na nagkakahalaga ng P200 milyon. Sina Lacson at Madrigal ay kapwa kabilang sa grupo ng minorya na salitang umatake kay Villar kaugnay sa nasabing proyekto na mag-uugnay sa mga kalsada sa Metro Manila patungong Cavite. - GMANews.TV