ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bentahan ng isda sa Romblon balik na sa normal


MANILA – Bumalik na ang sigla ng bentahan ng isda sa Romblon matapos alisin ng Bureau of Fish and Aquatic Resources (BFAR) ang fishing ban nitong Lunes makaraang maalis ang pestesidyong endosulfan sa pagtaob ng MV Princess of the Stars sa Sibuyan island. Sa ulat ng QTV’s Balitanghali nitong Miyerkules, sinabi ni San Fernando vice mayor Angeles Chan na tumaas ang benta ng isda matapos matiyak na ligtas na itong kainin. Dahil sa pagtaas ng bentahan ng isda, bumaba naman ang bentahan ng karne at manok, idinagdag ni Chan. Bukod sa ebdosulfan, nasipsip na rin ng salvage crewmen ang tinatayang 150,000 litro ng 250,000 litro ng krudo ng barko. Sinabi ni BFAR Director Malcolm Sarmiento Jr na inalis na ang fishing ban matapos ang matagumpay na pagkuha sa endosulfan at iba pang delikadong kemikal sa nakataob na barko. “This means that aquatic animals that will be caught in the area are free from contamination and therefore are fit for human consumption," pagtiyak ni Sarmiento. Ipinagbawal ang paghuli at pagbenta ng isda sa Romblon noon pang Hulyo matapos tumaob ang barko habang kasagsagan ng bagyong “Frank." - GMANews.TV