ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagbagsak ng billboard sa EDSA pinaimbestigahan sa Senado


MANILA – Naghain ng resolusyon sa Senador Miriam Defensor Santiago nitong Huwebes upang imbestigahan ang pagbagsak ng dalawang billboard sa EDSA na ikinasugat ng limang tao. Sa resolusyon, hiniling ni Santiago sa Senate committee on public works na imbestigahan ang dahilan ng pagbagsak ng billboards sa EDSA at alamin kung sino ang dapat managot matapos ihayag ng Department of Public Works na ilegal ang nasabing estraktura. Nais umano ng mambabatas na matukoy kung sino ang mga opisyal na dapat kasamang managot sa insidente matapos mapag-alaman na may permiso mula sa lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pagtatayo ng billboard. Ayon kay Santiago, makukulong ang lokal na opisyal ng pamahalaan na makikipagsabwatan sa sinumang indibidwal o pribadong tanggapan sa pagkakabit ng ilegal na billboard sa kanilang nasasakupan na naging dahilan ng pagkapinsala ng buhay at ari-arian. “It is unforgivable that the culprits for the injuries caused by the falling billboards should go unpunished. It is the local government’s duty to ensure that billboard structures do not pose hazards to the safety of passersby and onlookers," pahayag ng mambabatas. Matatandaan na ipinasa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sisi sa mga opisyal ng Quezon City government dahil sa pag-iisyu ng permits sa dalawa sa tatlong billboards na bumagsak. Muling iginiit ng senadora na walang masama sa advertising sa pamamagitan ng mga billboard basta hindi ito makadidisgrasya. Naghain noong 13th Congress si Santiago ng panukalang batas na Anti-Billboard Bill ngunit hindi ito nakapasa sa Kamara de Representantes. Sinabi ni Santiago na muli niyang ihahain ang panukala sa 14th Congress sa paniniwalang walang pangil ang kasalukuyang batas laban sa mga naglalakihang billboards. “Our present laws are inadequate to address the need to eliminate billboard-related mishaps," she said. “My bill will impose stricter safety standards for billboards, and will punish erring billboard owners, users, and government officials," ayon sa senador. - GMANews.TV