ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 OFW na pupugutan sa Saudi umapela kay Arroyo


SAN FERNANDO CITY — Nanawagan ng tulong kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo nitong Biyernes ang pamilya ng tatlo niyang “cabalen" na overseas Filipino workers na nakatakdang pugutan ng ulo sa Jeddah, Saudi Arabia. “Nakikiusap kami kay Madam Gloria (Macapagal Arroyo) na tulungan ang mga kapatid ko at kasama nilang akusado dahil kawawa naman ang kanilang pamilya na umaasa sa kanila," ayon kay Norie Gonzales. Sinabi ni Norie na labis na ang takot na nararamdaman ng kanyang mga kapatid na sina Edison, 50 at Rolando, 48 na hinatulan ng korte sa Saudi na mamatay dahil sa pagpatay umano sa tatlong kapwa OFWs noong 2006. Ayon kay Norie, kasama ng kanyang mga kapatid sa kulungan sa Briman Jail sa Jeddah si Jenifer Bidoya, ang isa pang OFW na pinugutan ng ulo nitong Martes. “Sabi ni Kuya (Edison), kasama nila sa selda ng death row si Jenifer na pinugutan noong Martes at nakita pa nila nang kunin ito ng mga jail guards sa selda bago pugutan. Baka raw sila na ang susunod dahil basta na lang daw kinukuha sa selda ang mga pinupugutan," kwento ni Norie. Batay na rin umano sa impormasyon na ibinigay ni Edison, sinabi ni Norie na kinatigan noong Oktubre 15 ng Court of Appeals ng Saudi ang naunang hatol ng Grand Sharia Court na guilty ang magkapatid, kasama si Eduardo Arcilla sa pagpaslang sa mga kapwa Filipino. Ang magkapatid na Gonzales ay tubong San Fernando, Pampanga habang si Arcilla ay mula sa Mexico, Pampanga. Bukod sa tatlo, apat pang OFWs na kasama nilang akusado sa kaso na sina Joel Sinamban, Omar Basilio, Victoriano Alfonso, at Efren Dimaun ay hinatulang makulong at mahagupit sa katawan ng 1,300 ulit. Sinabi ni Norie na hindi lubos na natutukan ng pamahalaan ng Pilipinas ang kaso ng kanyang mga kapatid na patuloy na naninindigan na pinahirapan lamang sila kaya umamin sa kasalanan. Kwento niya, inimbitahan lamang ng mga Saudi police ang kanyang mga kapatid noong Abril 2006 sa pagpatay at pag-chop-chop sa katawan ng mga OFWs na sina Romeo Lumbang, Jeremias Bucud, at Dante Rivero. Ngunit mula noon ay hindi na umano pinayagang makalabas ng Saudi police ang mga Gonzales. “Hinding-hindi magagawa ng mga kapatid ko ang pumatay lalo na ang isang kapwa Pilipino, malaki ang takot nila sa Diyos," pagdiing ni Norie. Sa ipinadalang text message umano ni Edison kay Norie, sinabi nito na batay sa imbestigasyon ng Jeddah Police ay hindi pa rin nakikita ang katawan ng biktimang si Lumbang. Hindi umano kinilala ng asawa nitong si May Dimabuyo ang katawan na ipinakita sa kanya dahil pustiso umano ang ngipin ng biktima. Mula nang umuwi sa Pilipinas ay hindi na umano bumalik sa Saudi si May. - GMANews.TV