ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ama ng batang kinidnap umano ni Dennis Roldan nasawi sa aksidente


MANILA – Nasawi sa sakuna ang ama ng bata na umano’y kinidnap ng dating aktor at kongresista na si Dennis Roldan sa bayan ng Tublay, Benguet, ayon sa pulisya nitong Biyernes. Ayon kay Police Officer 3 Carlito Ateneo ng Tublay-PNP, lumitaw sa paunang imbestigasyon na nagliyab at nasunog ang kotseng sinasakyan ni Roger Lim Yu nang nahulog sa bangin na may taas na 250-talampakan nitong Huwebes. Nakilala umano ang mga labi ni Yu sa pamamagitan ng driver’s license na nagpapakita na isa siyang consultant sa Police Anti-Crime and Emergency Response (Pacer) sa Manila. Kinilala rin siya ng kanyang mga kamag-anak. Sa ulat ng Bombo Radyo-Baguio bureau, sinabi umano ni Supt. Jaime Rodrigo Lial, Cordillera medico legal officer, na nakumpirma ang pagkakakilanlan sa biktima na residente ng Pasig City. Si Yu, 36-anyos, ay ama ni Kenshi Yu, na umano’y kinidnap ng grupo na pinamumunuan ni Roldan noong 2004. Sinasabing paakyat ng Baguio ang nakatatandang Yu at binabagtas ang Marcos Highway dakong 3:30 a.m. nitong Huwebes nang mahulog ang sasakyan nito sa bangin. Ayon sa mga residente sa brgy Ambassador, nakarinig sila ng malakas na ingay madaling araw ng Huwebes ngunit hindi nila ito pinansin dahil madilim pa sa paligid. Nang sumikat ang araw, nakakita ng bakas ng langis ang mga residente na kumukuha ng tubig sa bukal. Inalam umano ng mga residente kung galing ang langis hanggang sa matumbok nila ang sunog na kotse. Kaagad nilang ipinaalam sa pulis ang insidente at doon na nakita sa loob ng sasakyan ang sunog na pasahero nito. “Hindi namin siya ma-recognize kasi sunog na ang katawan," ayon kay Ateneo. Ayon naman sa ina at kapatid ng biktima, nagpaalam sa kanila si Yu na magbabakasyon sa Baguio. – GMANews.TV