ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pulis sa Metro Manila bawal magsuot ng SWAT uniform


MANILA – Ipinagbawal ni National Capitol Regional Police Office (NCRPO) Chief Director Jefferson Soriano nitong Biyernes sa mga pulis sa Metro Manila na magsuot ng uniporme ng SWAT o Special Weapons and Tactics (SWAT). Ang direktiba ay ipinalabas ni Soriano matapos ang panloloob ng mga armadong lalaki na nagpakilalang mga operatiba ng SWAT sa St. Scholastica's College isa Malate, Manila noong Oktubre 31. Sa lingguhang Talakayan sa Isyung Pulis (TSIP) forum sa Camp Crame, sinabi ni Soriano na ang ban sa pagsuot ng SWAT uniform ay bahagi ng "crime prevention" campaign ng PNP. Sinabi ng opisyal na may mga kriminal na nagpapanggap na mga pulis at ginagamit ang uniporme ng SWAT. Nakasaad sa kautusan ni Soriano na regular na uniporme ng PNP ang dapat isuot ng mga pulis sa Metro Manila. Noong Oktubre 31, tinatayang 10-armadong lalaki na nakasuot ng SWAT uniform ang pumasok sa St. Scholastica's College at dinisarmahan ang mga security guard sa pamantasan at tinangay ang kanilang mga cellfones at baril. Umaasa si Soriano na mahuhuli ang mga suspek bago ang Pasko, na hindi lang umano gumawa ng krimen laban sa mamamayan ng Metro Manila kundi binastos din ang organisasyon ng pulisya dahil sa pagsusuot ng uniporme ng SWAT. - GMANews.TV