ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hepe ng PNP ipinaliwanag ang media ban sa police blotter


MANILA, Philippines – Iniulat ni Sen. Ramon “Bong" Revilla Jr. na nangakong magpapalabas ng panibagong memorandum matapos magpaliwanag si PNP Chief Director General Jesus Verzosa hinggil sa pagbabawal na ipasilip sa media ang police blotter. “Kinausap ako ni Chief PNP Verzosa para magpaliwanag tungkol dito sa kanyang kontrobersyal na memorandum na nagbabawal ng direktang access ng media sa blotter ng mga pulis. Ayon sa kanya, wala namang ganung intensyon ang PNP, at nangako siyang agad-agad nilang itutuwid ang pagkakamali," sabi ni Revilla. “In good faith, tinanggap ko ang kanyang paliwanag, on the condition na maglalabas siya ng panibagong kautusan na itatama itong kanyang naunang order. Kailangan kasing maalis ang pagdududa na may tinatago ang PNP sa publiko," ayon sa senador. Sinabi pa ni Revilla na ipagpapatuloy ang pagdinig sa Nobyembre 18 sa panukalang Freedom of Access to Information Bill upang maiwasan ang naturang memorandum na ipinalabas ni Verzosa. “Kailangan din malinawan na ang ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon na ang Freedom of the Press at Right to Information ay hindi natatapakan. Ganunpaman, tuloy ang ating hearing sa November 18 on the freedom of access to information para lalo natin itong mabusisi at maiwasan na magkaroon pa ng ganitong pangyayari in the future," sabi ni Revilla. Layunin ng Freedom of Access to Information Bill na magkaroon ng transparency sa lahat ng record ng pamahalaan, maliban sa impormasyon na kinasasangkutan ng national security at kung ipinagbabawal ng batas tulad ng mga detalye sa kaso ng kababaihan at child abuse. “Under the bill, paparusahan ang sinumang opisyal o empleyado ng gobyerno na magtatago ng record sa publiko," ayon sa senador. - GMANews.TV