ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

4-anyos patay sa pagkain ng tahong; 7 pa isinugod sa ospital


POLANGUI, Albay - Isang batang lalaki ang namatay at limang iba pa ang isinugod sa pagamutan nitong Biyernes dahil umano sa pagkain ng tahong na kontaminado ng red-tide toxin. Ginagamot sa Josefina Belmonte Duran Memorial Hospital sa Ligao sina Angela Aguilar, 2; John Alfred Dolz, 7; Erlin Dolz, 11; Erol Dolz, 4; at Grace Anne Dolz, 8. Samantalang kinilala ni Dr. Glenn Isip ang nasawi na si Paulo Dolz, 4, residente ng Brgy Lanigay, Polangui. Ayon kay Tirso Aguilar, nabili niya ang isang kilong tahong sa Polangui public market noong Huwebes ng gabi. Ngunit hindi umano niya batid kung saan galing ang mga tahong. Kuwento naman ni Herlinda Dolz, wala silang naramdaman matapos kainin ang sinabawang tahong noong Huwebes ng gabi. Ngunit nitong Biyernes ng umaga ay nagreklamo na ang mga bata ng pagkahilo, pananakit ng tiyan at nagsuka. Sinabi ng batang si Grace Anne na nakaramdam siya ng biglang pagkalula at nagsimula ng magsuka. Ipinaliwanag naman ni Dr. Isip na posibleng tumatalab ang lason mula sa kontaminadong tahong pagkalipas ng 12-oras. Dahil sa insidente, kaagad na nagpalabas ng direktiba si Albay Governor Joey Salceda na ipagbawal muna ang pagbenta ng tahong sa mga palengke. Sinabi ni Dr. Luis Mendonza, provincial health officer, na noong Oktubre 30 ay nagpalabas na sila ng sulat sa mga sanitation department ng rural health units na nagbabawal sa pagkain ng tahong. Kaugnay nito, dalawa pang bata ang isinugod sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRRTH) dahil sa pannakit ng tiyan at pagsusuka matapos kumain din ng tahong sa Ligao City. Kinilala ang mga bata na sina Mae Bellones, 8; at Jonalyn Rialco, 3, kapwa nakatira sa Brgy Guilid, Ligao. Ipinalipat umano ng ospital ang dalawang bata dahil malubha na ang kalagayan ng mga ito. – GMA NewsTV.