ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Pagsasara ng 9 bangko sisilipin ng Senado
MANILA â Iimbestigahan ng Senado ang Legacy Group of Companies kaugnay sa pagsasara ng mga bangkong pag-aari nito, ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri. Sinabi ni Zubiri nitong Biyernes na aalamin ng Senate Committee on Banks and Currencies ang dahilan ng pagsasara ng siyam na rural banks na pag-aari ni Celso de los Angeles Jr., sinasabing alkalde ng Sto. Domingo, Camarines Sur. âKailangang imbestigahan ang pagsasarang ito upang matukoy natin kung may nilabag ang bangko sa Banking Secrecy Law at iba pang batas na may kaugnayan sa pananalapi," ayon sa senador. Matatandaan na unang nagsara at isinailalim ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa receivership ng Philippine Deposits Insurance Corporation (PDIC) ang Rural Bank of Paranaque. Kasunod nito ay nagsara rin ang Dynamic Bank sa Batangas, San Pablo City Development Bank sa Laguna, Rural Bank of Bais sa Negros Oriental, Pilipino Rural Bank at Bank of East Asia, kapwa nasa Cebu; Rural Bank of San Jose sa Batangas, First Interstate Bank sa Tacloban at Philippine Countryside Rural Bank sa Cebu. âKailangan malaman natin kung bakit ipinasara ang naturang mga bangko, at makagawa tayo ng remedial measures upang protektahan ang mga depositors laban sa pagkawala ng kanilang hard earned money," pahayag ni Zubiri. Nauna nang hiniling ni Sen. Francis Escudero na imbestigahan ang naturang pagsasara nang walang pasabi sa publiko. Inihain din ni Escudero sa Senate Bill No. 2678 na nagtataas sa halaga ng deposit insurance coverage na mula sa kasalukuyang P250,000 patungo sa P500,000 bilang paghahanda na rin sa magiging epekto ng global financial crisis sa bansa. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular