ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dahil sa paputok: 27 sugatan sa Nueva E; Mukha ng binata nalapnos sa Bulacan


CABANATUAN CITY, Nueva Ecija – Umabot sa 27 tao ang inulat na nasaktan sa pagsalubong sa 2009 sa lalawigang ito hanggang nitong umaga ng Huwebes, ayon sa Provincial Health Office (PHO). Sinabi ni Dr. Benjamin Lopez, hepe ng Nueva Ecija-PHO, nakarating sa kanyang tanggapan na umakyat sa 27 tao ang naitalang biktima ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon. Ang listahan ng mga biktima ay nanggaling mismo sa mga pribado at pampublikong ospital sa lalawigan. Karamihan umano sa mga naging biktima ay nagtamo ng pinsala sa mga katawan dahil sa kuwitis at lusis. Wala pa naman umanong iniulat na tinamaan ng ligaw na bala, bagaman inaasahan na posibleng pang madagdagan ang mga biktima ng paputok bago matapos ang Huwebes. Sa Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center (PJGMRMC) nagtala ng 12 biktima nang paputok simula nitong Miyerkules, mas mataas ng lima sa naitala noong nakaraang taon. Samantala, nasunog naman ang mukha ng isang binata sa Bocaue, Bulacan nang masabugan ng lumilipad na ‘bombshell’ habang sinasalubong ang 2009. Ayon kay Supt. Ronald De Jesus, hepe ng Bocaue-PNP, masayang nagdiriwang si Arnie Del Rosario, 21-anyos, residente ng Brgy. Bambang, kasama ang mga kaanak at kaibigan nang biglang sumabog sa kanyang mukha ang isang bombshell. Ang bombshell ay isang uri ng pailaw na pumuputok sa himpapawid ay nagdudulot ng liwanag na may iba’t-ibang kulay. Ngunit hindi nakalipad ang bombshell at sa halip ay sumabog sa mukha ng biktima na nagtamo ng first degree burn. Isinugod sa Dr. Yanga's Hospital si Del Rosario at masuwerteng hindi napinsala ang kanyang mga mata. – Jun-jun Sy, GMANews.TV