ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Anggulong negosyo tinitingnan sa pagpatay sa magkasintahan sa Bulacan
MALOLOS CITY, Bulacan â Palaisipan pa rin sa mga awtoridad ang motibo sa pagpatay sa magkasintahan na nakitang patay sa loob ng isang kotse na may tama ng bala sa ulo sa Meycauayan City sa lalawigang ito noong Linggo. Gayunpaman, ang anggulo tungkol sa negosyo ang sinusundan umano ng mga imbestigador sa likod ng pagpatay kina Jayson Hernandez ng Valenzuela City at nobya nitong si Catherine Esterban, 22-anyos, kagawad sa Brgy. Tugatog. Si Esterban ay anak umano ni Donald Esterban, may-ari ng Proest Philippines, isang pabrika ng sapatos. Ang mga biktima ay nakita sa likod na bahagi ng kotse na pag-aari ni Hernandez malapit sa kapilya ng Richmond Subdivision sa Brgy. Bahay Pare, Meycauayan City. Kapwa may takip ang mata ng mga biktima at may tig-isang tama ng bala ng baril sa ulo. Sinabi ni Supt. Demosthenes Reyes, hepe ng Meycauayan-PNP, nahihirapan silang lutasin ang kaso dahil kumplikado ang background ng dalawang biktima. "Hindi simpleng kaso ito, magkaiba ang background ng mga biktima pero malaki ang posibilidad na business ang motibo," ayon sa opisyal. Katuwang na rin umano ng pulisya sa imbestigasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Bulacan. Napag-alaman ng pulisya na si Hernandez ay may taxi business, samantalang sapatos naman ang negosyo ng pamilya ni Esterban. May itinayo ring umanong negosyo sa rediscounting ang magkasintahan. May hinala rin ang pulisya na nakatira malapit sa lugar ang mga salarin dahil ang lugar na pinag-iwanan ng mga biktima sa Richmond subdivision ay malapit sa boundary ng Marilao at Caloocan City. "Liblib na lugar na iyon, pero alam pa ring puntahan ng mga suspects," puna ng opisyal na may dudang kilala ng mga biktima ang salarin. Hinihinala na binaril sa loob ng sasakyan ang mga biktima sa ibang lugar bago iniwan sa likod ng kapilya. Nagpaalam umano si Esterban sa kanyang pamilya noong Sabado at tutungo sa Batangas kasama ang dalawang kapitid pero sa halip ay sa bahay ni Hernandez ito nagpunta. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular