ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga mambabatas hati sa pagbabalik ng death penalty sa drug trafficking


MANILA – Maghahain ng panukalang batas si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri upang ibalik ang parusang kamatayan sa mga mapatutunayang sangkot sa paggawa at pagpapakalat ng ilegal na droga sa bansa. Ang hakbang ay tugon ni Zubiri sa rekomendasyon ni Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA) Director Dionisio Santiago na dapat patawan ng parusang kamatayan ang nagtutulak ng bawal na gamot. “Kailangan ang mas mabigat na parusa sa mga mapatutunayang nagtutulak ng droga upang masawata kundi man tuluyang masugpo ang salot sa ating lipunan," ayon sa senador. Maging si Ilocos Norte Rep. Roquito Ablan, chairman ng House oversight committee on illegal drugs, ay bukas sa mungkahi na ibalik ang parusang kamatayan sa mga nasa likod ng pagkakalat ng bawal na gamot. Ayon sa kongresista, malaking tagumpay sa kampanya laban sa bawal na gamot ang ginawang pag-firing squad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa isang dayuhang napatunayan sangkot sa drug trafficking sa bansa. “Nawala ‘yon nang magpa-firing squad si Presidente Marcos, lumakas lang uli ‘yon (illegal drugs) nang pumalit si Presidente (Cory) Aquino," paliwanag ni Ablan. Sinabi ni Zubiri na inatasan niya ang kanyang legislative staff na magsagawa kaagad ng pananaliksik at kumalap ng mga datos hinggil sa problema ng droga sa bansa upang patibayin ang kanyang panukala na ibalik ang death penalty. “Ipinagtataka lamang natin kung bakit nakalalaya ang mga akusado sa kabila nang non-bailable ang kaso ng droga, at pangkaraniwan pang nadidismis ang kaso kaya nakakalaya ang mga suspek," puna ni Zubiri. Kontra sa death penalty Kaagad namang kinontra ni Albay Rep. Edcel Lagman ang mungkahi na ibalik ang parusang kamatayan sa mga mapapatunayan ng korte na sangkot sa pagpakakalat ng bawal na gamot. Sinabi ng kongresista na hindi dapat magpadala sa emosyon ang mga mambabatas na nililikha ng iskandalo sa tinaguriang “Alabang boys" na umanoy’ nagkaroon ng suhulan para mabasura ang kaso. “Knee-jerk reactions to the drug cases of the Alabang Boys do not justify the reimposition of the death penalty. Sensational and sensationalized crimes do not warrant retrieving from the legislative archives a penal statute which is cruel and inhuman," pagdiig ni Lagman. Iginiit ni Lagman na magiging matagumpay lamang ang kampanya laban sa illegal na droga kung maaayos na tutuparin ng mga pulis, imbestigador, prosekusyon at hukom ang kanilang mga trabaho. - GMANews.TV