ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagpapatalsik sa pinuno ng SC banta raw sa demokrasya


MALOLOS CITY, Bulacan – Inihayag nitong Linggo ng isang retiradong mahistrado ng Court of Appeals (CA) na banta sa demokrasya at Hudikatura ang planong pagpapatalsik kay Supreme Court Chief Justice Reynato Puno. Ayon kay (Ret.) CA Justice Jose Dela Rama Sr., hindi malayong mawalan ng tiwala ang mamamayan sa Hudikatura kung magtatagumpay ang banta na ipa-impeach si Puno. "Maaring mauwi ito sa kamatayan ng demokrasya sa Pilipinas, kawawa ang bayan," babala ni Dela Rama, dekano ng Bulacan State University Marcelo H. Del Pilar College of Law. Ang bantang pagpapatalsik kay Puno ay nag-ugat sa hindi umano pag-aksyon ng Punong Mahistrado tungkol sa isang desisyong na may kinalaman sa protesta laban sa nakaupong kongresista ng Negros oriental na si Rep. Jocelyn Limkaichong. Ang naturang desisyon ay wala pang promulgasyon ng buong myembro ng SC ngunit sinasabing may nag-leak na sa media. Sinabi Dela Rama na dapat ikabahala ang kontrobersyang hatid ng kaso ni Limkaichong dahil ito ang ginagamit na batayan para ipa-impeach umano si Puno. Inihayag ng retiradong mahistrado na hindi pa dapat pag-usapan ang desisyon at nararapat lang ang naging aksyon ni Puno dahil wala pa itong promulgasyon kahit sinasabing may mga mahistrado ng pumirma rito. Dahil dito, iginiit ni Dela Rama na walang basehan ang pag-atake sa integridad ni Puno. Kasabay nito, nagpahayag din ng suporta si Dela Rama sa mga panawagan na tumakbong presidente si Puno sa 2010 elections dahil sobra-sobra umano ang kwalipikasyon ng Punong Mahistrado. Nagpahayag din ng mga suporta kay Puno sina Bulacan board member Ramon Posadas, Christian Natividad, at Alex Balagtas. Ngunit aminado sila na kailangan ni Puno ng malaking pondo para isakatuparan ang kanyang kandidatura. - GMANews.TV