ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagmimina ng marmol sa Bulacan may basbas ng DENR


MALOLOS CITY, Bulacan – Naglatag ng kondisyon si Environment Secretary Lito Atienza upang pahintulutan ang pagmimina ng marmol sa Biak-na-Bato Mineral Reservation Area sa lalawigang ito. Ang pahayag ay ginawa ni Atienza kaugnay sa problema sa muling operasyon ng Rosemoor Mining and Development Corporation (Rosemoor) na magmina ng marmol sa Biak-na-Bato na tinututulan ng pamahalaang panglalawigan. Sinabi ng kalihim na nagkausap na sila ni Bulacan Governor Joselito Mendoza tungkol sa Rosemoor na kinukuwestyon sa mga papeles na hawak ng Rosemoor para muling makapagmina sa lalawigan. "Nag-usap na kami ni Governor Mendoza na pagtulungan namin ang pagmamaneho (pagsubaybay) sa anumang venture sa Biak na Bato," ayon sa kalihim. Sinabi ni Atienza na papayagang magmina ng Rosemoor sa kondisyon na hindi ito gagamit ng mga pampasabog na makasisira sa kapaligiran. Pumayag umano ang Rosemoor na wire saw ang gamiting sistema sa pagkuha ng mamamahaling tea-rose marble sa halip na dinamita para matibag ang tipak-tipak na marmol. Nilinaw din ng kalihim na lumitaw sa kanilang pag-aaral na ang lugar na pagmiminahan ay hindi na sakop ng Biak-Na-Bato National Park at mineral reservation area. Noong nakaraang linggo ay kinuwestiyon ni Mendoza ang pagbibigay ng Mines and GeoSciences Bureau (MGB) sa Gitnang Luzon ng Ore Transport Permit (OTP) sa Rosemoor. Iginiit ng gobernador na maraming iregularidad sa operasyon ng Rosemoor maging sa pagkakaroon nito ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA). Nanindigan naman ang pamunuan ng Rosemoor na legal at naayon sa batas ang kanilang operasyon para mapagmina ng marmol sa lalawigan. - GMANews.TV