ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mahigit 20 estudyante nabiktima ng food poison sa paaralan sa Cabanatuan


CABANATUAN CITY – Mahigit 20 mag-aaral sa Araullo University sa lungsod na ito ang isinugod sa pagamutan nitong Huwebes matapos sumama ang pakiramdam sa kinaing egg cando sa isang kantina sa paaralan. Sinabi ni Ma. Elena Romasanta,16-anyos, 2nd year high school student, at residente ng Palayan City, kumain siya kasama ang kanyang mga kaklase ng egg caldo sa isang kantina na may pangalang “Caza." Sa umpisa pa lamang ay nalasahan na umano ni Romasanta na maasim ang inorder na egg cando pero kinain pa rin sa pag-aakalang napasobra lamang ang nailagay na kalamansi. Makalipas umano ang ilang oras ay nakaramdam na siya ng pagkahilo at pananakit ng tiyan. Samantala ang iba namang estudyante nagsuka at may hinimatay sa hilo kaya dinala na sila sa klinika sa loob ng eskuwelahan. Dahil sa dami ng mga estudyante na napasugod sa klinika, minabuti ng pamunuan ng paaralan na dalhin ang mga biktima sa malapit na Premier General Hospital. Ayon kay Ana Chua, administrative officer ng PHINMA Education Network, pansamantala nilang ipinasara ang nasabing canteen habang isinasagawa ang imbestigasyon ng kanilang pamunuan. Sasagutin din umano nila ang mga gagastusin ng mga estudyanteng naging biktima ng pagkalason sa pagkain at tiniyak ang kaligtasan ng mga ito. Dalawa sa kaklase ni Romasanta na nakaratay sa pagamutan na kinilalang sina Jeserlyn R. Eser Jose,14-anyos, ng Caalibangbangan, Cabanatuan City at Alona C. Calderon. Hindi naman maiwasan magalit ng mga magulang ng mga estudyante sa nasabing kantina dahil sa sinapit ng kanilang mga anak.- Jun Jun Sy, GMANews.TV