ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kawani ng NFA nanawagan kay Arroyo na irekonsidera ang EO 366


MALOLOS CITY, Bulacan – Habang abala ang pamahalaan sa paghahanap ng paraan upang lumikha ng trabaho, nangangamba naman ang ilang kawani ng gobyerno sa National Food Authority (NFA) na mapabilang sila sa lumulobong listahan ng unemployed. Ang pangamba ng mga kawani ng NFA ay bunga umano ng ipinalabas na notice of redundant /abolished position na nakasaad sa Executive Order 366 o Government's Rationalization Plan na naglalayong mapababa ang gastusin sa operasyon ng gobyerno. Ayon kay Eduardo Camua, opisyal ng NFA Employees Association, 800 sa kanilang mga kasamahan ang posibleng mapasama sa maramihang sibakan sa gobyerno sa taong ito. Natatawa na lamang umano si Camua kapag naiisip ang pagsisikap ng gobyerno na makalikha ng trabaho dahil sa kinakaharap na global economic meltdown, ngunit hindi nito mabigyan ng katiyakan ang trabaho ng mga nasa gobyerno. Sinabi ni Camua na sa susunod na buwan ay 78 empleyado ng NFA ang masisibak sa Gitnang Luzon at 32 mula sa Bulacan. May mga empleyado rin umanong apektado ang malapit na sa kanilang retirement age. Bagaman ang iba ay handa ng magretiro, hindi naman umano maganda ang alok na retirement package ng pamahalaan at 'di kayang bumuhay ng pamilya lalo sa mga mababa ang posisyon. Idinagdag niya na na ang mga insentibong matatanggap ng mga mapapatalsik na empleyado na nasa ilalim ng early retirement na ibinase sa basic pay noong June 2007. Lubha umanong mababa ang incentive computation at hindi isinama ang pagtaas ng kanilang kompensasyon noong nakaraang taon. Lilitaw umano na inflation rate noong 2007 2007 ay mas mababa sa kasalukuyang inflation rate. Dahil dito, nanawagan sa pamahalaan ang asosasyon ng mga kawani ng NFA irekonsidera ang implementasyon ng EO 366. Mahihirapan din umano ang ahensya na kumilos kapag nagkaroon muli ng krisis sa suplay ng bigas kapag nagkaroon ng maraming sibakan. - GMANews.TV