ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Magkapatid na Pinoy nasawi sa wildfire sa Australia - DFA


MANILA – Patay ang magkapatid na Filipino-Australian sa nananalasang wildfire sa Australia kung saan umabot na sa mahigit 170 tao ang nasawi. Sa panayam ng dzBB radio nitong Martes, sinabi ni Department of Foreign Affairs spokesperson Bayani Mangibin na ang masamang balita sa magkapatid ay ipinaabot ng Philippine Embassy sa Canberra. Ayon kay Mangibin, lalaki at babae ang magkapatid na edad 24 at 22. “They perished at the brushfire that hit Victoria," pahayag ng opisyal. Hindi pa umano maaaring sabihin ang pangalan ng mga biktima hanggat hindi naipapaalam sa kanilang pamilya sa Pilipinas ang sinapit nila. Napag-alaman na naglagay ng hotline para sa mga Filipino at iba pang dayuhang nasyunal ang Australian Red Cross na maapektuhan ng sunog sa Victoria. Ang mga kamag-anak ng mga Pinoy sa Australia ay maaaring tumawag sa Australian Red Cross hotline na +61-3-9328-3716. Ngunit dapat umanong asahan ang hirap sa pagkontak dahil sa dami ng mga tumatawag. Nitong 2007, tinatayang 250,347 ang mga Filipino sa Australia, batay sa talaan ng Commission on Filipinos Overseas. Sa naturang bilang, mahigit 220,000 ang permanent settlers at 20,000 ang mga migrant worker. Ang nagaganap ngayong wildfires na nagsimula noong Sabado ay itinuturing isa sa mga pinakamalubhang sunog sa kabundukan sa Australia. - GMANews.TV