ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagbili ng LRTA ng mga bagon sa halagang $81.6 M kinuwestyon


MANILA – Kinuwestyon ng mga kongresista ang ginawang pag-utang ng Light Rail Transit Authority (LTRA) ng $81.6 milyong para bumili ng 48 bagong bagon ng tren noong 2006 kahit wala namang nagawa na bagong daanan ng tren. Sa isinagawang pagdinig ng House oversight committee nitong Miyerkules, iginiit ni Northern Samar Rep. Paul Daza na dapat gumawa muna ng bagong daanan ng tren ang LRTA bago bumili ng mga bagong bagon. “What I don’t understand is why do we have to buy a train without any railway. Normally, you build a track and put a train on it later," pahayag ni Daza sa komite na pinamunuan ni Quezon Rep. Danilo Suarez, Inamin naman ni LRTA corporate secretary Hernando Cabrera ang pagkuha ng mga bagon na pinondohan umano sa pamamagitan ng pag-utang sa Japan Bank for International Cooperation. Idinagdag niya na ang Department of Finance ang namahala sa pag-utang upang madagdagan umano ang kapasidad ng LRTA na magsakay ng mas maraming pasahero. Ang LRTA ang namamahala sa ruta ng mass transport system mula sa Monumento hanggang Baclaran. “We had to increase the capacity from the usual 48,000 passengers a day. Now, we can accommodate 500,000 passengers. That is one of the pre-requisites in order to have an extension," paliwanag ni Cabrera. Dahil sa nadagdag na bagon, umabot na sa 148 ang bagon ng LRTA. Ngunit sa halip na makumbinsi, lalong nagtaka si Daza dahil ang Metro Rail Transit (MRT) sa EDSA na higit na marami umano ang pasahero ay mayroon lamang 73 tren. “How come you’re telling us that you needed these trains? Are all of these trains fully utilized? It doesn’t make sense," tanong ni Daza. Paliwanag naman ni Cabrera, ilalaan din ang mga idinagdag na bagon sa LRT extension project sa Bacoor, Cavite mula sa Baclaran. Pero ayon kay Melchor Plaza, deputy secretary general ng party-list group na 1-AK (Aangat Ka Pilipino), hindi natuloy ang extension project dahil umurong na ang magpopondo sa proyekto na Lavalin of Canada. Kinuwestyon din ng mga kongresista ang pagdiskuwalipika ng LRTA sa bidding ng construction magnate na si Felipe Cruz Jr. ng Filsystems para sa MRT-LRT Loop project. Ang naturang proyekto ang mag-uugnay ng LRT Monumento station sa MRT sa North EDSA. Inakusahan ni Cruz ang LRTA ng intellectual piracy dahil kinopya umano ang kanyang disenyo para sa Monumento-SM North route. Sinabi ni Cabrera na nadiskwalipika ang kumpanya ni Cruz dahil nabigo itong magsumite ng electronic filing ng kanilang income tax returns (ITR). Ang naturang rekisitos ay mahigpit umanong ipinagbibilin sa LRTA circular para sa mga sumasali sa bidding. Ngunit paniwala ni Rodriguez, masyadong mababaw ang hindi pagsusumite ng ITR para idiskwalipika ang isang malaking kumpanya. “I don’t know why this circular is so sacrosanct that you’re singling out a very big company and disqualify them," ayon sa kongresista. “I’m surprised that a big company like FF Cruz or Filsystems will be disqualified only because of the manual or electronic filing of ITR. It is, to me, a very minor thing." Ngunit paliwanag ni Suarez, siya man ay nadiskwalipika sa bidding ng gobyerno noong nasa pribadong sektor pa dahil hindi niya naisama ang “table of content" sa ipinasang rekisitos sa bidding. Sinabi ni Suarez na kinuwestyon niya ang pagkakaalis sa subasta ngunit kinatigas ng Supreme Court ang kanyang pagkakadiskuwalipika dahil sa argumentong “failure to comply" sa mga itinatakda ng ahensyang namahala sa proyekto. - GMANews.TV