ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ibon na inakalang naubos na, nakita sa Nueva Vizcaya


MALOLOS CITY, Bulacan — Isang ibon na inakala ng marami ay naubos na o naging extinct ang nakita sa Nueva Vizcaya sa unang pagkakataon sa tulong ng isang programa ng GMA Network na “I-Witness." Matapos madiksubre ang dalawang rare species ng water bird sa sapa ng Candaba, Pampanga noong Enero, nakita naman sa Dalton Pass ang ibong Worcester's buttonquail (Turnix worcesteri). Ang naturang ibon na kapamilya ng mga “pugo" ay inakala ng mga eksperto na naubos na dahil sa matagal na panahon na itong hindi nakita. Ayon kay Michael Lu, pangulo ng Wild Bird Club of the Philippines (WBCP), ang pambihirang ibon ay nakunan ng larawan at video ng documentary team ng I-Witness sa pangunguna ni Howie Severino sa Dalton Pass noong nakaraang buwan. Sa Pilipinas lamang umano matatagpuan ay naturang ibon na isinunod sa pangalan ni Dean Conant Worcester, isang American zoologist na naglingkod sa Pilipinas noong unang bahagi ng 1900. "This is a very important finding," sabi ni Arne Jensen, isang Danish ornithologist at biodiversity expert na matagal ng naninirahan sa bansa at pinuno ng records committee ng WBCP. Ayon kay Lu, hindi nila alam kung saan namumugad at nangingitlog ang mga buttonquail. Ngunit malaki ang paniwala nila na matatagpuan ang kanilang pugad sa damuhang bahagi sa kabundukan ng Cordillera. Ang pambihirang tuklas ay naidukomento ng I-Witness nang gumawa ang grupo ng ulat sa ginagawang bird hunting sa Nueva Vizacaya. Nalaman na lamang ang pambihirang pagkakatuklas nang mapanood ni Desmond Allen, isang British ornithologist na kasapi ng WBCP, ang programa at makita ang kuha ng buttonquail. Nitong Enero ay nakita sa Candaba swamp ang dalawang kakaibang uri ng ibon na pied avocet at black faced spoon bill. - GMANews.TV