ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

5 bata nalunod sa ilog sa Cabanatuan City


CABANATUAN CITY – Limang batang mag-aaral sa elementarya ang nasawi makaraan silang malunod sa ilog ng Barangay Macatbong sa lungsod na ito nitong Biyernes ng hapon. Kinilala ang mga nasawi na sina Tonton Mari, 9-anyos; Gladys Joyce Urmatan, 9; Renier Mendoza, 8; Jun-jun Oligario, 9; at Portia Duguez, 9, pawang residente sa nasabing barangay. Dalawa naman nilang kasamahan ang himalang nakaligtas na sina Princes Delim, 9, at kapatid nitong si Heartly. Ayon kay Fausto Cunanan, kalihim ng Brgy Macatbong, lumabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na nagkaroon ng pagpupulong dakong 3 p.m. ang mga magulang at guro sa Macatbong Elementary school kung saan nag-aaral ang mga bata. Dakong 4 p.m. ay nagkayayaan umano ang mga bata na magtungo sa malapit na ilog. Nang nasa ilog na, isa umano sa mga bata ang nadulas at napunta sa malalim na bahagi nito. Kasunod nito ay tinangka ng ibang bata na sagipin ang kanilang kasama pero sila rin ay lumubog sa tubig at nalunod. Sinabing nagawa pang mailigtas ni Urmatan si Heartly bago ito lumubog sa tubig. Kuwento naman ni Mark Anthony Duenas, 15-anyos, naliligo sila kasama ang iba pang kaibigan sa katabing ilog nang marinig nila ang sigaw na humihingi ng tulong. Kaagad umanong kumilos ang grupo ni Duenas at sumisid sa ilog ngunit wala ng buhay ang tatlong bata na kanilang nakuha. Sadya umanong malalim ang bahagi ng ilog na pinuntahan ng mga bata dahil sa isinasagawang quarry operation sa lugar. Sinikap umano ng mga lider ng barangay na isalba ang buhay ng mga bata at dinala sa malapit na ospital subalit idineklara na silang dead-on-arrival. – JunJun Sy, GMANews.TV