ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

20 sugatan sa pagsalpok ng trak sa pader ng motel at pampasaherong bus


BALIUAG, Bulacan – Mahigit 20 tao ang nasaktan matapos salpukan ang isang 16-wheeler cargo truck ang pader ng isang motel at pagkatapos ay banggain ang kasalubong na pampasaherong bus nitong Martes sa bayang ito. Sinabi ni Police Officer 3 Eduardo Solian, imbestigador ng Baliuag police station, dinala ang mga nasaktan sa Our Lady of Mercy General Hospital sa kalapit na bayan sa Pulilan, Bulacan. Naganap umano ang aksidente dakong 5:30 a.m. sa Donya Remedios Trinidad (DRT) Highway sa Brgy. Tarcan sa bayan ng Baliuag. Ang naturang aksidente ay nagdulot ng labis na pagsikip ng daloy ng trapiko sa lugar. Lumitaw sa paunang imbestigasyon na sinalpok muna ng cargo truck na patungong Nueva Ecija ang pader ng Monrovia Traveller’s Inn, bago nahagip ang pampasaherong Five Star bus (AVR 298) na patungo naman sa Pasay City. Sinabi ni Solian na tumakas ang drayber at pahinante ng truck matapos ang aksidente. Ikinuwento ni Efren Reyes, 47-anyos, drayber ng bus, na maaring nakatulog sa manibela ang drayber ng trak dahil malakas ang ulan nang maganap ang aksidente. “Halos 50 kilometer per hour lang ang takbo namin nang makita ko na sumisiyete (zigzag) yung trak," ayon kay Reyes. Kasalukuyang namang hinahanap ng pulisya ang driber at pahinante ng trak upang papanagutin sa naganap na aksidente. - GMANews.TV