ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

13-taon sa kulungan: Ex-Cong Jalosjos nakalaya na sa NBP


MANILA – Nakalaya na nitong Huwebes sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa si dating Zambonga del Norte Rep. Romeo matapos makulong ng 13-taon dahil sa kasong panghahalay sa 11-anyos na babae noong 1996. Bagaman dalawang habambuhay na pagkabilanggo ang naging hatol kay Jalosjos ng korte, nabawasan ang sentensya ng dating kongresista dahil sa magandang asal na ipinakita nito sa loob ng kulungan. Noong Hunyo 12, 2007, ibinaba ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang sentensya ni Jalosjos sa 16 –taon, tatlong buwan, at tatlong araw. Nabawasan pa ito sa 13-taon, limang buwan at 15-araw dahil sa kanyang “good conduct time allowance." "Ngayong umaga, I was informed by Superintendent Ramon Reyes na nakalabas na si Congressman Jalosjos (sa NBP)," pag-anunsyo ni Oscar Calderon, pinuno ng Bureau of Corrections. Si Jalosjos din umano ang humiling na maging tahimik ang kanyang paglabas at haharap na lamang sa isang press conference na inihanda ngayong hapon (2 p.m.) "Kung puwede, huwag muna daw siyang iharap sa media. Mayroon daw siyang sinasabi na 2 p.m. may presscon," ayon sa opisyal. Tutulong sa kapwa bilanggo Sa naturang press conference na ginawa malapit sa NBP, sinabi ni Jalosjos na sa loob ng maraming taon ng pananatili sa kulungan, natutunan niyang unawain ang kalagayan ng pamilya ng mga mahihirap na preso. "Kung may naghihirap, hindi kami... Naghihirap kami pero kaya namin. Ang talagang naghihirap na nakikita namin na kailangan ng tulong ay iyong mga naiwan, mga asawa, mga anak nila," pahayag ng dating mambabatas. Plano umano ni Jalosjos na magtayo ng gusali sa compound ng NBP na magiging pansamantalang tirahan ng mga bibisita sa mga kamag-anak nilang bilanggo na manggagaling sa malayong lalawigan. "Alang-alang sa mga pamilya [mula] sa Mindanao, Visayas, at Luzon, sila iyong hindi makabisita dito...ang mahal ng pamasahe, so iyon ang bibigay ko sa kanila," ayon sa dating kongresista. Hihilingin din umano ni Jalosjos sa mga mambabatas na gumawa ng panukala na mag-aatas sa Department of Social Welfare and Development na magsagawa ng imbentaryo ng mga naiwang pamilya ng isang mahirap na bilanggo upang mabigyan sila ng tulong ng gobyerno. Idinagdag nito na maraming preso ang matagal na dapat nakalaya pero nananatili sa loob ng kulungan. Kaagad umanong uuwi si Jalosjos sa kanyang lalawigan sa Zambonga Sibugay dahil naghihintay ang kanyang pamilya sa kanyang pagbabalik. Insulto sa hustisya Inihayag naman ng isang grupo na pangkababaihan na ang paglaya ni Jalosjos ay nagpapakita na ang hustisya ay para lamang umano sa mga mayayaman. Sinabing nakakuha ng magandang merito si Jalosjos sa loob ng piitan dahil sa mga ipinatayo nitong gusali sa loob ng NBP na pinapakinabangan ngayon ng iba pang mga bilanggo. Kabilang umano sa mga ipinagawa ng dating kongresista ay tennis court, gymnasium, at panaderya sa loob ng maximum security compound ng NBP. Sa labas naman ay itinayo niya ang Tennis Academy of the Philippines at isang resto-bar. “Marso ngayon ano, supposedly Buwan ng Kababaihan. Mukhang ito yung mockery of justice na binibigay ni Ginang Arroyo. Walang remorse, walang pag-amin sa kasalanan niya (Jalojos). Paano na yung mga kababaihan na humihingi ng katarungan na ngayon ay vulnerable sa various forms of violence?" ayon kay Emmi de Jesus, secretary-general ng Gabriela. Naniniwala rin si De Jesus na nagbabayad lamang si Gng Arroyo sa mga Jalosjos dahil sa tulong na ibinigay ng pamilya nito sa kampanya ng pangulo noong 2004 at 2007. “Si Jalosjos ay galing sa Zamboanga del Norte na nagbigay ng malaking pabor kay Ginang Arroyo noong nakaraang mga eleksiyon. Tingin namin, ito ay payback," ayon sa Gabriela. Iginiit naman ni Press Secretary Cerge Remonde na dumaan sa tamang proseso ang paglaya ni Jalosjos at wala umanong kinalaman ang Malacañang. “Dumaan ito sa tamang proseso. Again, may batas na kung ang isang convicted ay nakapag-serve ng sentence up to a certain time at may good behavior, eligible na for pardon," paliwanag ni Remonde sa dzXL radio. – GMANews.TV