ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sisingiling buwis sa text 'di dapat ipasa sa subscribers - Nograles


MANILA – Nagdeklara si Speaker Prospero Nograles Jr. na hindi niya susuportahan ang panukalang patawan ng 10 sentimong buwis ang short messaging system (SMS) o text message kung ipapasa ito sa publiko. Ayon sa lider ng Kamara de Representantes, dapat pasanin ng mga kumpanya ng telekomunikasyon ang ipapataw na buwis dahil sa bilyong-bilyong kinikita ng mga ito sa SMS. Sinabi ni Nograles na susuportahan niya ang mungkahi ni Quezon Rep. Danilo Suarez, pinuno ng House committee on oversight, para singilin ng 10-sentimos na buwis ang text kung magagarantiyahan nito na hindi ipapasa sa subscribers ang buwis. Iginiit ng kongresista na labis-labis ang singil ng mga telcos sa text na nagkakahalaga ng P1 bawat padala. “Even if we charge a ten-centavo fee on every text sent, the telecommunication companies are still overcharging us by sixty-five cents per text," ayon kay Nograles. Sinabi ni Anak Mindanao Rep. Mujiv Hataman na hindi dapat dagdagan ng Kongreso ang hirap na dinaranas ng publiko sa harap na krisis na nararanasan ng bansa. “If we are going to tax text messaging, Congress should spare the consumers because this is the only cheapest way of communicating to one another. Meaning, it should not be shouldered by the masa," ayon kay Hataman. Una rito, sinabi ni Suarez na aabot sa P200 milyon bawat araw ang makukuhang buwis sa tinatayang 2 bilyon text na ipinapadala ng mga Pinoy bawat araw. Sinabi ni Nograles na maganda ang intensyon ng panukala ni Suarez dahil ang pondong malilikom ay maaaring gamitin sa mga programa ng pamahalaan sa edukasyon at kalusugan. Koleksyon ang palakasin Sa halip na pag-initan ang text na pinakamurang paraan ng komunikasyon, sinabi ni Sen. Manny Villar na dapat palakasin ng pamahalaan ang koleksyon sa buwis. Idinagdag ng mambabatas na dapat magpatupad ng seryosong kampanya ang gobyerno upang habulin ang mga tax evader na kinabibilangan ng mga malalaking negosyante at mga smuggler. “Hindi ako sumasang-ayon diyan (buwis sa text) dahil may krisis tayo ngayon at talaga naman ang text ang pinakamurang paraan ng komunikasyon ng ating kababayan at hindi naman talaga dapat patawan ng anumang buwis ngayon at kailanman," paliwanag niya. Sinabi pa ni Villar na may iba pang paraan na pwedeng pagkunan ng buwis ang Senado at Kongreso tulad ng pagpataw ng dagdag na buwis sa sin products tulad ng sigarilyo at alak. “Marami pang pwedeng pagkunan ang Senado at ang Kongreso. Palagay ko, hindi muna dapat pag-usapan ang karagdagang buwis at pagbutihin muna natin ang koleksyon lalo na ang buwis na nakakaapekto sa ating mamamayan," paliwanag nito. “Ang texting, lahat ay gumagamit niyan mahirap -mayaman, bata-matanda, babae-lalaki, kaya huwag muna nating galawin yan at yan lang ang nagagamit ng mga tao para mag-usap-usap," pahabol ni Villar. - GMANews.TV
Tags: taxtext, texttax, text, sms