ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pangmatagalang solusyon sa kahirapan iginiit ng CBCP


MANILA – Hinimok ng Catholic Bishop Conference of the Philippines nitong Miyerkules ang pamahalaan na bumuo ng pangmatagalang programa na lulutas sa kahirapan ng mga Filipino sa halip na magkaloob ng “limos" sa mga naghihikahos. Sa panayam sa isang himpilan ng radyo, iginiit ni CBCP president at Jaro archbishop Angel Lagdameo na mahusay na trabaho ang kailangan para masugpo ang kahirapan sa bansa. “Trabaho at hindi mga dole-outs ang kailangan ng mga Filipino," pahayag ng arsobispo sa panayam ng Radio Veritas. Ang pahayag ni Lagdameo ay reaksyon sa pinakahuling survey ng Social Weather Station kung saan na bumaba sa 15.5 porsyento ang nagugutom na pamilyang Filipino mula sa dating 23.7 porsiyento noong nakalipas na taon. Kinikilala naman ng arsobispo na nakatutulong para mabawasan ang bilang ng mga nagugutom sa Pilipinas sa mga ginagawang dole-out ng administrasyon tulad ng “stimulus package at unemployment package na isinusulong National Economic Development Authority. Ngunit duda si Lagdameo kung magtatagal ang mga programang ito para hindi na bumalik sa gutom ang mga mahihirap na mamamayan. “Kung mabibigyan mo ng trabaho ang isang mamamayan at siya na mismo ang maghahanap-buhay para sa kanyang pamilya. At makakatulong ang mga mabibigyan ng trabaho sa nararanasang krisis sa pananalapi sa bansa maging sa buong mundo," paliwanag ng arsobispo. - GMANews.TV