ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sanggol na sinakmal ng aso sa ulo ligtas na


CANDABA, Pampanga – Ligtas na sa kamatayan ang anim na buwang sanggol na sinakmal sa ulo ng isang aso na may lahing pitbull sa bayang ito noong nakaraang Linggo. Inoobserbahan na lamang sa isang ospital sa Maynila ang sanggol na lalaki na anak nina Jun at Ailyn Mallari, residente ng Sitio 3, Brgy. Bahay Pare, Candaba. Inihayag ng pulisya ng Candaba na maayos na ang kalagayan ng bata at inoobserbahan na lamang kung magkakaroon ng rabies dahil sa kagat ng alagang aso na si “Bruno." Mahigpit din ang ginagawang pagbabantay kay “Bruno" na bahagi ng proseso kapag nakakagat ng tao ang isang aso. Noong nakaraang Linggo, sinabing nakakawala sa pagkakatali si “Bruno" at sinugod ang natutulog na sanggol sa duyan at sinakmal sa ulo. Sinabi ni Jan-jan Vargas, apat silang tao na nagtulong-tulong para matanggal ang pagkakagat ni “Bruno" sa sanggol. Pumatay sa bata kulong na Samantala, inilagay na sa kulungan ang amain na pumatay sa tatlong-taong-gulang na anak ng kanyang kinakasama sa Malolos City, Bulacan nitong Miyerkules. Ilang araw naratay sa pagamutan si Rolando Ambrocio, Jr., 29, matapos siyang bugbugin ng mga tao dahil sa ginawang pagpatay kay Hanna Lope noong Biyernes. Kinasuhan ng murder si Ambrocio dahil sa paggilit ng leeg sa batang biktima na hinihinalang dahil sa selos sa Brgy. Sumapang Bata, Malolos City. - GMANews.TV