ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dating konsehal, asawa ng pinaslang na militante magkahiwalay na itinumba sa Bicol


LEGAZPI CITY – Isang dating konsehal sa bayan ng Guinobatan at isang asawa ng pinaslang na lider ng magsasaka sa Sorsogon ang magkahiwalay na binaril at pinatay ng mga ‘di nakilalang salarin nitong Martes. Nanood ng telebisyon sa Brgy. Llawod sa Guinobatan nang barilin ng suspek si Ariel “Tobias" Delos Reyes sa ulo, ayon Chief Inspector Rico Nocillado, hepe ng Guinobatan PNP. Matapos ang pamamaril, sumakay umano ng motorsiklo ang salarin patungo sa bayan ng Ligao. Samantala, binaril sa kanyang bahay sa Brgy. San Juan, Sorsogon City si Eden Jeruz, 37-anyos, kasapi ng human rights violation group na Hustisya Sorsogon. Ayon kay John Conception, tagapagsalita ng grupong Karapatan Bicol, si Jeruz ang pangunahing testigo sa pagpatay sa asawa nito na si Willy noong Agosto 2007. Si Willy ay kasapi ng militanteng grupo na Kilusan Mambubukid ng Pilipinas (KMP) nang ito ay paslangin. Sa pagpanaw ni Eden, naulila ng lubos ang kanilang mga anak na sina Jose Nathaniel, 10-anyos at Adrian, 9-anyos, na nasa state of shock umano dahil sa pagpaslang sa kanilang ina. Mariing kinondena ng grupong Karapatan ang pagpatay sa mag-asawang Jeruz. - Michael B. Jaucian, GMANews.TV