ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Galing San Sebastian: Babae nanguna sa 1,310 pumasa sa 2008 Bar exam


MANILA — Pinangunahan ni Judy Lardizabal, law graduate mula sa San Sebastian College, ang 1,310 pumasa 2008 Bar Examination. Umabot lamang sa 20.58 porsyento ng 6,363 examinees ang pumasa mula sa 109 law schools na kumuha ng pagsusulit noong Septyembre 2008. Nakakuha ng marka si Lardizabal ng 85.70 porsyento, at sinundan siya ni Mylene Amerol-Macumbal, na may 85.65 poryento mula sa Mindanao State University. Pangatlo naman si Oliver Baclay Jr., mula sa Ateneo de Manila University (ADMU) na may 85.6 marka. Sinundan siya nina Majesty Eve Jala, Ateneo (85.50); Ma. Elizabeth Liceralde, University of the Philippines (85.40); at Michael Macapagal, UP (84.15). Nagtabla naman sa ikapitong pwesto sa markang 84 porsyento sina Denise Dy at April Love Regis, kapwa mula sa ADMU. Sinundan sila nina Christine Joy Tan, ADMU (83.80); Shirley Velasquez, UP at Jihan Jacob, San Beda (kapwa may 83.75). at pang-sampu si Vanessa Raymundo, San Beda Collage (83.70). Naantala umano ang pagpapalabas ng Supreme Court ng resulta dahil sa ginawang decoding ng mga resulta ng pagsusulit. “Nagde-decode pa kasi at after the decoding, immediately after, ilalabas na natin iyan," paliwanag ni SC spokesman Midas Marquez. Ang 2008 bar examinations committee ay pinamunuan ngayon ni Associate Justice Dante Tinga. Ang kompletong listahan ng mga pumasa ay makikita rin sa Website ng SC at maging sa GMANews.TV. Nakapaskil din ang listahan ng mga pumasa sa mga wide screen na nakalagay sa harap ng SC malapit sa Padre Faura. Ikinukonsidera na isa sa pinakamababa ang passing rate ng Bar exam ngayong taon sa nakalipas na siyam na taon. Batay sa talaan ng SC, ang pinakamababang Bar passing rate mula taong 2000 ay naganap noong 2002 kung saan 19.68 porsyento lamang ng 4,659 kumuha ng eksaminasyon ang pumasa o 917 Bar passer. Naitala naman ang pinakamataas na passing rate noong 2001 nang pumasa sa pagsusulit ang 1,266 examinees o 32.89 porsyento ng 3,849 Bar takers. - GMANews.TV