ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Road accident sa Isabela at Batangas; 3 patay, 15 sugatan


MANILA – Tatlo ang patay at 15 ang sugatan sa magkahiwalay na aksidente sa kalye ngayong panahon ng Semana Santa sa lalawigan ng Isabela at Batangas nitong Martes. Sa isang ulat sa dzRH radio, dalawang bata ang nasawi sa banggaan ng apat na sasakyan sa highway sa Brgy Rizal, Santiago City, Isabela. Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, kinilala ang mga nasawi na sina Cristy Claire Enriquez, 4-anyos; at Jereli Chavez, 5-anyos. Sugatan naman sina Eric Enriquez, 28, drayber ng Hyundai van (XCJ-307), residente ng Brgy Calaocan, Santiago City; Myrde Bala, 16; Angelita Telan, 30; Mildred Gayapal, 16; Mary Grace Santos, 28; Maricel Ramos Enriquez, 26; Emily Palad, 39; Enrique Ramos; at Jun Vargas, drayber ng Mitsubishi Lancer. Sinasabing nabangga umano ni Enriquez ang isang pampasaherong jeepney na minamaneho ni Bonifacio Mosque Sr. Nadamay din sa aksidente ang isang Mitsubishi Lancer at isa ang Hyundai van (WNN-731). Hinihinala na lasing si Enriquez nang magmaneho dahil amoy alak ito, ayon sa imbestigador. Nahulog sa bangin Samantala, inulat sa GMA News Flash Report nitong Martes na isa ang nasawi nang mahulog sa bangin ang isang pampasaherong jeepney sa Brgy. Sampaguita, Bauan sa Batangas. Sugatan naman ang pitong iba pang pasahero kung saan dalawa ang nanatili sa pagamutan. Bagaman walang binanggit na pangalan sa naturang ulat, sinabing mga tubero ang mga biktima na patungo sa isang resort upang magtrabaho. Dinakip ang drayber ng jeepney na si Pacifico Larwa na nagpaliwanag na nawalan ng preso ang sasakyan kaya sila nahulog sa bangin. - GMANews.TV