ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Negative sa paraffin test: Misis ni Failon ‘di nagpaputok ng baril?


MANILA – Lalo pang naging komplikado ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa umano’y pagpapakamatay ng asawa ni ABS-CBN news anchor Ted Failon na si Trinidad Arteche Etong, matapos lumabas na negatibo ang kamay nito sa pulbura sa isinagawang paraffin test. Ngunit nilinaw ng isang opisyal sa Quezon City Police District (QCPD) na hindi “conclusive" ang resulta ng pagsusuri o nangangahulugan na hindi talaga nagpaputok ng baril ang nasawing biktima. Sa eksklusibong panayam nitong Biyernes ni Arnold Clavio sa GMA News’ Unang Hirit, sinabi QCPD Crime Laboratory office head Dr. Filemon Porciuncula na negatibo ang resulta ng paraffin test sa magkabilang kamay ni Gng Etong na isinagawa nitong Huwebes ng gabi matapos itong pumanaw sa New Era Hospital. "Base po sa ginawang paraffin examination ng aming chemist, lumabas po sa resulta na negative po sa gunpowder burns yung kaniyang parehong kamay, yung left and right," ayon kay Porciuncula. Ang resulta ng pagsusuri ay nagbigay umano ng posibilidad na maaaring may ibang tao na bumaril kay Gng Etong noong umaga ng Miyerkules sa loob ng banyo ng kanilang tahanan sa Tierra Pura sa Tandang Sora, Quezon City. "Nagpapahiwatig po ito na mayroong porsiyento na ‘di siya (Gng Etong) nagpaputok ng baril," ayon kay Porciuncula. Sinabi naman ni Senior Superintendent Franklin Moises Mabanag, hepe ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), na ang pinakabagong kaganapan sa kaso ni Gng Etong ay hindi kaagad nangangahulugan na mayroong foul play. "Kahit na negative, ‘di pa rin maiko-conclude na suicide nga ito or mayroon isang tao na siya ang dahilan (ng pagkakabaril)," paliwanag ni Mabanag sa panayam ni Clavio. Negatibo lahat Nitong Huwebes, inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Superintendent Roberto Rosales na negatibo rin sa paraffin test si Failon. Sa hiwalay na panayam kay Mabanag sa dzBB radio nitong Biyernes, sinabi ng opisyal na negatibo rin ang resulta ng pagsusuri sa mga kasambahay ni Failon na sina Pacifico Apacible, Carlota Morbos, Wilfreda Bollester at Glen Polan. Sa kabila nito, nanindigan si Mabanag na nanatiling suspek pa rin ang lahat ng kasama sa bahay ni Gng Etong – kasama si Failon. "Lahat po ng nasa loob ng bahay na ‘yon ay pwedeng testigo at suspek na iisa ang kalagayan. Ang ibig namin pong sabihin, wala naman po sigurong ibang magpu-pull ng trigger kundi ang biktima lamang o ang mga tao na nasa bahay na yun," paliwanag niya. Ano ang motibo Inaalam na umano ng mga imbestigador kung ano ang motibo sa pagpapakamay o pagpatay kay Gng Etong. "May mga nagsasabi pong mga impormasyon na very raw naman, so we need to confirm it, that it involves money, it involves somebody, somebody else, a person, at ito'y ikukumpirma pa namin," ayon kay Mabanag. Nitong Huwebes, kinasuhan na si Failon, hipag nito na si Pamela Arteche at mga kasambahay ng paglabag sa Presidential Decree 1829 o panghihimasok para madakip o maparusahan ang isang kriminal. Bunga ito ng hindi kaagad pag-ulat nila Failon sa pulisya sa naganap na insidente at paglinis sa banyo kung saan nagbaril umano si Gng Etong, at maging sa sasakyan na ginamit sa pagdala sa biktima sa ospital. Nitong Huwebes, sinabi ni Public Attorneys Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta na may malaking problema si Gng Etong dahil sa naluging negosyo na kinapapalooban ng malaking halaga. “Medyo nahihiya si Mrs. Failon kasi halos lahat ng sweldo ni Ted na na-intrega sa kanya ay na-invest niya kaso nalugi. Malaki raw talaga ang lugi. Naloko talaga siya," ayon kay Acosta na binatikos ni Justice Sec Raul Gonzalez dahil sa pagkakaloob ng legal na tulong kay Failon kahit may kakayahan naman ang brodkaster na kumuha ng pribadong abogado. Ngunit tumanggi si Acosta na magbigay pa ng detalye tungkol sa pinasok na negosyo ni Gng Etong dahil mas makabubuting manggaling umano ito mismo kay Failon. Kahit patuloy pa ang imbestigasyon, sinabi ni Acosta na kung pagbabatayan ang mga testimonya ng mga kasama sa bahay ni Gng Etong ay lumalabas na suicide ang nangyaring insidente. - GMANews.TV