ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Batas para sa dagdag na proteksyon sa OFW inaprubahan sa Kamara


MANILA – Inaprubahan ng mga kongresista sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magkakaloob ng karagdagang proteksyon sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Layunin ng House Bill No. 5649 na may titulong “An Act Improving the Standards of Protection and Assistance for Migrant Workers," na amyendahan ang Republic Act No. 8042 na mas kilala bilang “Migrant Workers and Overseas Filipinos Act of 1995." Sa isang pahayag nitong Sabado, sinabi ni Bohol Rep. Edgar Chatto, isa sa mga may-akda ng panukala, na papatawan ng parusa ang mga tauhan at opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mapapatunayang nagpabaya sa trabaho at pinahintulutan ang pagpapadala ng OFWs sa mga lugar na hindi tiyak ang kaligtasan ng mga migranteng manggagawa alinsunod sa itinatakda ng RA 8042. Sinabi ni Chatto na dapat na ipagpatuloy ng Kongreso ang paglikha ng batas na magbibigay ng proteksyon sa mga Filipino na nais magtrabaho sa ibang bansa. “If amply protected, they will continue to remit the needed income for the support of their families as well as contribute to the fiscal growth of the government," ayon sa kongresista. Nakapaloob sa panukala na dapat magbigay ng semi-annual report sa Kongreso ang mga ahensiya ng pamahalaan na nagpapadala ng mga OFWs para malaman ang kalagayan ng mga migranteng manggagawa. Ang mga kawani o tauhan ng pamahalaan na mapatutunayang nagpabaya sa kanilang trabaho ay maaring masuspindi o masibak sa kanilang posisyon. Bukod pa rito, hindi rin sila papayagang makapagtrabaho sa ibang sangay ng gobyerno sa loob ng limang taon. “The bill also mandates free compulsory insurance coverage for all OFWs to make up for monetary claims or damages as a consequence of a judgment or settlement case to a worker," nakasaad sa pahayag. Ang insurance coverage sa bawat manggagawa ay magiging katumbas ng tatlong buwan sahod nila sa bawat pipirmahang kontrata bawat taon. - GMANews.TV