ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Summer' pero may bagyo; Tag-init maagang matatapos – Pagasa


MANILA – Tila maagang matatapos ang panahon ng tag-init sa Pilipinas matapos maging tropical depression ang namumuong sama ng panahon sa Mindanao na pinangalanang "Crising." Nitong Huwebes, sinabi sa GMANews.TV ni Nathaniel Cruz, pinuno ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Service Administration (Pagasa), na namataan si “Crising" sa layong 380 kilometro sa kanluran ng San Jose sa Occidental Mindoro. Pangatlo umano si “Crising" sa mga tropical cyclone na dumating sa bansa ngunit ito ang una mula nang magsimula ang panahon ng tag-init o “summer." Ayon kay Cruz ang pagdating ni “Crising," ay indikasyon ng patapos na ang panahon ng “summer." "Sa pagkakroon natin kay ‘Crising,’ ito na halos ang ang simula ng tag-ulan," ayon kay Cruz na inilarawan na ang pagbabago ng panahon bilang "quasi-stationary." Taglay ni “Crising" ang pinakamalakas na hangin na 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna. Sa Sabado ay inaasahang nasa layong 320 kilometro sa kanluran ng San Jose si “Crising." May namataan din umanong low pressure area (LPA) ang Pagasa sa lalawigan ng Albay, na lalo pang nagpalakas sa paniwala ng mga eksperto na patapos na ang panahon ng tag-init. Ang dalawang sama ng panahon ay inaasahang magdudulot ng panaka-nakang pag-ulan sa katimugang bahagi ng Luzon at Visayas, at mas madalas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Bicol region, Quezon, Mindoro, Marinduque, Masbate, at Samar. Sa kabila nito, sinabi ni Cruz na hindi pa rin sila opisyal na magdedeklara na panahon na ng tag-ulan dahil may iba pa silang dapat ikonsidera. "Ito ang ating titingnan na mabuti. Ang batayan namin ay hindi lang ang pagdami ng ulan, maging ang ihip ng hangin dapat nanggagaling sa timog kanluran," paliwanag ni Cruz. Wala pang public storm signal na idinedeklara ang sa mga lugar na apektado ng masamang lagay ng panahon. - GMANews.TV