ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Alkalde sa Quezon itinangging may kinalaman sa pagpatay sa sariling tauhan


HENERAL NAKAR, Quezon – Mariing pinabulaanan ng alkalde sa bayang ito ang pagdawit sa kanya sa pagpatay sa isang empleyado ng munisipyo. Sa isang media forum sa Quezon City nitong Sabado, sinabi General Nakar Mayor Leo Leovegildo Ritual Ruzol na wala siyang kinalaman sa pagkamatay ni Arlysel Avellaneda, 33-anyos. Si Avellaneda, assistant head ng General Services Office ng munisipyo, ay binaril at mapatay ng isang ‘di pa kilalang lalaki sa Barangay Poblacion sa nasabing bayan noong Enero 14, 2009. “Parang anak ko na ‘yan (Avellaneda)," ayon kay Ruzol. “Siya ang campaign manager ko at tatlong beses ko siyang ini-appoint sa munisipyo kapag ako ay nananalo." Bagong naging alkalde, anim na taong nagsilbi bilang bise alkalde si Ruzol sa Heneral Nakar. Tumakbo siyang alkalde at nanalo noong 2001 at kung saan nakalaban niya ang ama ni Arlysel. Noong 2004, natalo si Ruzol sa pagka-alkalde nang makatapat nito ang tiyuhin ni Arlysel na si dating mayor Hernando Avellaneda. Nabawi ni Ruzol ang puwesto niya nang manalo muli noong 2007 elections. Ayon kay Ruzol, “inampon" na niya si Arlysel dahil matagal nang may alitan ang biktima sa kampo ng kanyang ama, kabilang na si Hernando. Inireklamo rin ng alkalde na hindi naging patas ang ginawang ulat sa isang TV network kaugnay sa kaso ni Arlysel kung saan itinuring siyang suspek sa pagpaslang sa biktima. “Hindi ko magagawang patayin si Arlyse. Ang lahat ng ito ay paninira lamang ng isang kalaban sa pulitika," pahayag ni Ruzol. - GMANews.TV