ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

‘Emong ‘ nagdulot ng perwisyo


MANILA – Bagaman sa Biyenes pa inaasahang tatama sa lupa ang bagyong si “Emong," nagdulot na ito ng mga pagbaha sa Metro Manila at ilang lalawigan sa Luzon dahil sa malakas na buhos ng ulan nitong Huwebes. Sa Cabanatuan City sa Nueva Ecija, nalubog sa baha ang mga kalsada sa Brgy Kapitan Pepe Subd, Mabini Homesite, Magsaysay Norte, Bantug Bulalo at Bantug Norte. Ang mga baradong kanal ang sinisisi ng mga residente sa naganap na pagbaha na hindi lang umano kalbaryo sa mga motorista kundi pati sa mga mag-aaral sa Wesleyan University Philippines. Ilang residente ang nakita ng GMANews.TV sa Brgy Bantug Norte ang nagkusang linisin ang kanal sa kanilang lugar para mabawasan ang pagbaha. Nakaantabay naman ang mga tauhan ng Provincial Disaster Coordinating Council(PDCC) ng Nueva Ecija upang tumulong sa paglikas ng mga residente kung titindi pa ang pag-ulan sa magdamag hanggang sa Biyernes. Samantala, inatasan ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang Navotas Disaster Coordinating Council (NDCC) na ilagay sa “red alert status" ang binuong “Task Force Emong" na tutugon sa pinsalang idudulot ni “Emong" sa susunod 72-oras. Binigyan din ng alkalde ng direktiba ang Flood Control Monitoring Team at City Engineering Office na tiyaking gumagana ang mga pumping station sa lungsod upang mabawasan, kundi man maiwasan ang pagbaha. Dahil din kay “Emong," kinansela ni Pangulong Gloria Arroyo ang plano nitong pagbisita sa Siargao Island sa Surigao del Norte nitong Huwebes. Ilang malalaking billboards din sa Metro Manila partikular sa kahabaan ng EDSA Highway at C-5 Road ang tiniklop bilang pag-iingat sa inaasahang pagtama ni “Emong" sa Biyernes. Noong 2006, inulan ng batikos ang samahan ng outdoor advertisers dahil sa mga insidente ng pagbagsak ng mga billboards nang manalasa ang bagyong “Milenyo" na nagresulta sa pagkamatay ng ilang tao at pagkasira ng mga ari-arian. – Jun Jun Sy, GMANews.TV