ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Cheche Lazaro nagpiyansa sa kasong wiretapping


MANILA – Naglagak ng P12,500 pampiyansa ang premyadong broadcast journalist na si Cecilia ‘Cheche’ Lazaro nitong Biyernes para makaiwas sa pag-aresto matapos magpalabas ng arrest warrant ang korte kaugnay sa kinakaharap nitong wiretapping case na isinampa sa kanya noong 2008. Ang kaso laban kay Lazaro ay isinampa ni Ella E. Valencerina, vice president ng Government Service Insurance System (GSIS), dahil sa pagpaparinig umano ng brodkaster sa kanilang pag-uusap sa telepono sa programang “Probe." Si Lazaro ay sinamahan ng kanyang mga tauhan at ilang guro sa paglagak ng piyansa sa Pasay Metropolitan Trial Court Branch 47, na nagpalabas ng arrest warrant nitong Huwebes. Sa kanyang pahayag, tinuligsa ni Lazaro ang isinampang kaso laban sa kanya ni Valencerina. "It is mind-boggling why I am being singled out for prosecution for following the tenets of responsible journalism," ayon sa mamamahayag. Ang naturang episode ng The Probe na may titulong, "Perwisyong Benepisyo" ay ipinalabas sa ABS-CBN noong Nov. 12. Kasamang ipinalabas sa programa ang video ni Lazaro habang kausap sa telepono ang isang babae na pinapaniwalaang si Valencerina. Ayon kay Valencerina, pinuno ng Public Relations and Communications Office ng GSIS, wala siyang pahintulot na ibinigay kay Lazaro na ipalabas o iparinig sa programa ang kanilang pag-uusap. Iginiit niya na ang ginawa ni Lazaro ay paglabag sa Republic Act 4200 o the Anti-Wiretapping Act. Nanindigan naman ni Lazaro na humingi siya ng pahintulot kay Velencerina bago ang panayam at wala siyang nilalabag na panuntunan sa pamamahayag. "If raising the concerns of underpaid public school teachers deprived of their benefits by a publicly accountable government institution and giving my accuser the airtime to explain her boss' side of the story are now considered crimes under our laws, then I plead guilty," ayon kay Lazaro. Ang naturang episode ng Probe ay tumalakay sa problema ng mga guro sa pagbabayad ng premium at pagkuha nila ng mga benepisyo sa GSIS. Sinabi ni Lazaro na ang kasong kinakaharap niya ay “maliit na kabayaran" upang malantad ang usapin tungkol sa GSIS. “Probe will not be intimidated into submission. I just wish my accuser will play fair and hire private lawyers instead of using government lawyers (from the GSIS), whose salaries are incidentally paid for by, among others, the teachers shortchanged by the questionable policy of the GSIS and private citizens like me who pay taxes.," ayon kay Lazaro. - GMANews.TV