ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mancao, Dumlao pwede ng ibalik sa RP; Extradition hearing ni Aquino sa US itinakda


CHICAGO – Puwede nang ibalik sa Pilipinas ang mga dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na sina Cesar O. Mancao II at Glenn G. Dumlao matapos magdesisyon ang isang korte sa US na hindi na sila kailangang tumestigo sa pagdinig ng extradition case ng kasamahan nilang si Michael Ray B. Aquino. Kasabay nito, itinakda ni Judge Esther Salas ng US District Court of New Jersey sa Newark nitong Biyernes (araw sa US), sa Hulyo 1, 2009 ang pagdinig sa extradition case ni Aquino. Hinihintay ng Department of Justice sa Pilipinas ang pag-uwi nina Mancao at Dumlao kaugnay sa pagbubukas ng kasong pagpatay sa PR man na si Salvador “Bubby" Dacer at drayber niyang si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000. Batay sa panibagong sinumpaang salaysay ni Mancao, naniniwala si DOJ Sec. Raul Gonzalez na matutukoy kung sino ang nasa likod ng pagpatay kina Dacer at Corbito. Kapwa idinadawit sa krimen sina dating Pangulong Joseph Estrada at Sen. Panfilo Lacson, na mariin namang itinanggi ng dalawa. Naganap ang krimen ilang buwan bago napatalsik sa puwesto si Estrada noong Enero 2001. Samantala, si Lacson ang pinuno ng PNP at Presidential Anti-Organized Task Force (PAOCTF) na kinabibilangan nina Mancao, Dumlao at Aquino. Posibleng maunang makabalik sa Pilipinas si Mancao dahil plano pa umano ni Dumao na iapela sa US Second Circuit Court of Appeals sa New York ang pagkabasura ng petition for habeas corpus na inihain ng kanyang asawa. Ayon kay Atty. Felix Q. Vinluan, abogado ni Dumlao, inatasan siya ng kanyang kliyente na gawin ang lahat ng apela sa kanyang mga petisyon kasama na ang paghingi ng asylum sa US. Ang naging desisyon ni Judge Salas ay sumuporta sa posisyon ng pamahalaan ng US na, “Aquino cannot introduce inadmissible contradictory evidence that conflicts with the Government’s evidence during the extradition trial." Una rito, iginiit ng kampo ni Aquino na mahalaga ang testimonya nina Mancao at Dumlao sa kanyang kaso na ibalik sa Pilipinas para paharapin sa Dacer-Corbito case dahil hindi siya kasama sa listahan ng mga unang kinasuhan ng gobyerno ng Pilipinas. Napasama lang umano si Aquino sa kaso nang magsumite ng bagong affidavit si Dumlao at idawit ang kanyang pangalan. Ginawa lang umano ni Dumlao ang bagong affidavit dahil sa pananakot at banta sa kanyang buhay. Ngunit puna ni Judge Salas, “Apparently, following his release from custody, Dumlao executed a second affidavit, which recanted his earlier statement that was given to the Philippine National Police." “This affidavit explains that his prior sworn statement was obtained through ‘threats, intimidation, and physical force…“Then, while in custody of the United States government, Dumlao again changed his affidavit. Additionally, Aquino claims that similar threats were made in obtaining Mancao’s statement. Clearly, Dumlao’s continuous recantation of sworn testimony is cause for concern," ayon sa hukom. - GMANews.TV