ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Prelim' probe vs Villar tapos na; Bro Mike kumita raw ng P1.5B sa C-5 project
MANILA â Tinapos nitong Huwebes ng Senate Committee of Whole ang paunang imbestigasyon sa ethics complaint na isinampa laban kay dating Senate President Manny Villar kaugnay sa kontrobersiyal na C-5 Road projects. Nag-walkout sa pagdinig sina Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr at Sen Alan Peter Cayetano nang hindi pagbigyan ni Senate President Juan Ponce Enrile ang kahilingan nila na repasuhin pa ang gagamiting panuntunan na magiging gabay sa pagdinig. Iginiit ni Pimentel na dapat repasuhin ang inaprubahang rules at hintayin muna itong mailathala sa mga pahayagan bago simulan ang imbestigasyon batay na rin umano sa rekomendasyon noon ng Korte Suprema sa mga nakaraang pagdinig ng kapulungan. Ngunit hindi na pumayag si Enrile na maantala pa ang paunang pagdinig sa kasong inihain ni Sen Jamby Madrigal laban kay Villar at tinawag na âdelaying tactic" na lamang ang ginagawa ng minorya. Dito na nagpaalam si Pimentel na hindi na makikisali sa pagdinig ng committee of the whole na ang layunin umano ay âbitayin" ang kanilang kasamahan. "With that sir, would you kindly excuse us from participating in what appears to be a rush to hanging a colleague without a hearing," ayon kay Pimentel. Kaagad na kinontra naman ni Enrile ang pahayag ni Pimentel at naghamon na dalhin sa SC ang usapin sa paggamit nila ng rules sa pagsiyasat sa reklamo laban kay Villar. âIf there is any defect or arbitrariness in the matter of handling this proceedings, that could be raised before the judicial branch of this government. You can take your remedies wherever you want," ayon sa lider ng Senado. Bukod kay Enrile at Madrigal, dumalo sa pagdinig sina Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Lito Lapid, Gregorio Honasan, Rodolfo Biazon Benigno Aquino, at mga âpresidentiables" na sina Sens Mar Roxas, Richard Gordon at Lacson. Matapos makuha ang panig ng kampo ni Madrigal, idineklara ni Enrile na tapos na ang preliminary inquiry sa reklamo ni Madrigal at inatasan ang committee general counsel at special counsel na ihanda ang rekomendasyon sa Sabado. "I declare the completion of the preliminary inquiry and close it. I now direct the general counsel and special counsel of the Senate acting as committee of the whole to prepare a report on the result of the preliminary inquiry for the signature of the chairman. It must be submitted Saturday this week, so ordered," pahayag ni Enrile. Itinakda ni Enrile ang susunod na pagdinig sa Lunes ng umaga. P1.5 bilyon kay Velarde Sa naturang pagdinig, isiniwalat ni Atty. Ernesto Francisco Jr, abogado ni Madrigal, na mahigit P1.5 bilyon umano ang kinita ng kumpanya ni charismatic leader na si Bro. Mike Velarde ng El Shaddai bilang kabayaran sa âroad right of way" sa C-5 Project. Sinabi ni Francisco, na may dokumento silang magpapatunay na nakasingil sa gobyerno ang Amvel Land Development na pag-aari ni Velarde sa paglihis sa mga dadaanan ng C-5. Nakasingil umano ang kumpanya ni Velarde ng P1.2 bilyon mula sa P2.6 bilyong budyet ng gobyerno sa C5 Link Expressway at R-1 Expressway Ext. Sa kabuuang P2.6 bilyon na orihinal na pondo para sa proyekto, P1.8 bilyon lamang umano ang nagamit ng pamahalaan. âUmabot lamang sa P1.8 bilyon ang ibinayad sa mga may-ari ng lupang dinaanan ng kalsada sa original plan ng proyekto. Mula sa naturang halaga, umabot sa P1.2 bilyon ang naibayad sa Amvel Land Development na pag-aari ni Bro. Mike Velarde," ayon kay Francisco. Maliban sa Amvell, nabayaran din umano ng pamahalaan ang road right of way ang mga lupain na dinaanan ng proyekto kabilang na ang SM Properties Holdings at Adelfa Properties, na pag-aari ni Villar. Bukod sa P1.2 bilyon, may hiwalay na kinita umano ang kumpanya ni Velarde na P300 milyon nang magkaroon ng panibagong paglilihis sa proyekto na dumaan sa Multi-National Village na patungong Sucat Road . Nauna umanong ginawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang C-5 to Coastal Road Project na dadaan sana sa Barangay San Dionisio, ngunit hindi natuloy at muling inilihis na dumaan sa lupain ni Velarde. P92 milyon kay Villar Nakasaad sa reklamo ni Madrigal na kumita ang kumpanyang Brittany Corp. ni Villar ng P92 milyon sa singil sa right of way dahil sa paglihis din umano ng C-5 road project. Idinagdag ng senador na 12 pang ari-arian ni Villar ang nakinabang sa paglihis ng kalsada na kinabibilangan ng Adelfa Properties at Golden Haven Memorial Park. Mula January 2003 hanggang December 2006, nagpasok din umano si Villar ng pondo sa Department of Public Works and Highways upang ipambayad sa pay road right-of-way para sa mga kumpanya nito. "As chairman of the Senate Committee on Finance, (he) allocated his PDAF/pork barrel for the purchase of his own properties," akusada ni Madrigal. Una rito, hindi itinanggi ni Villar na sinusuportahan niya ang proyekto at naglalaan ng pondo dahil sa paniwala na 5 milyon tao umano na lumalabas at pumapasok ng Metro Manila at Cavite ang makikinabang sa proyekto. Itinanggi naman ng senador na inimpluwensiyahan niya ang DPHW na ilihis ang proyekto na dumaan sa kanyang mga ari-arian, kasabay ng pagtanggi na tumanggap sila ng bayad para sa right of way. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular