ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
1 patay, 3 sugatan: Convoy ng ex-gov ng Maguindanao binomba
KIDAPAWAN â Tatlong bomba ang magkakasunod na sumabog sa isang kalsada sa Brgy. Shariff Aguak sa bayang ito na hinihinalaang nakalaan para patayin si dating Maguindanao Gov. Datu Andal Ampatuan nitong Biyernes ng umaga. Bagaman nakaligtas si Ampatuan, sinabi ni Philippines Army Col. Jonathan Ponce ng 6th Infantry Division, na isa ang nasawi at tatlo ang nasugatan sa naturang pambobomba. Kinilala ang nasawi na si Mamayo Ganon, at sugatan naman sina Renz Amit at Omar Silongan, na pawang miyembro ng Civilian Volunteer Organization, at si Samaon Andatuan, isang magsasaka. Ang mga biktima ay sakay ng isang Nissan pick up na pag-aari ni Kagawad Alijol Alvarez Ampatuan na kasama sa convoy ng dating gobernador. Sa ipinadalang text message ni Ponce sa mga mamamahayag, sinabi nito na tinatayang 40 segundo ang pagitan ng pagsabog ng mga bomba na itinanim sa kalye na dinaanan ng convoy ni Ampatuan. Naganap umano ang pananambang dakong 8 a.m. habang binabagtas ng convoy ni Ampatuan ang Shariff Aguak Road patungo sa Barangay Bagong upang dumalo sa isang pagtitipon. "This roadside bombing is the handiwork of the special operations group of the Moro Islamic Liberation Front," ayon kay Ponce. Kasama umano sa bahagi ng improvise bomb na pinasabog ay parte ng 81-mm mortar. Pinabulaanan naman ni MILF spokesman Eid Kabalu na sila ang nasa likod ng pag-atake kay Ampatuan. âThe attacks were not sanctioned by the MILF, as an organization," pagdiin niya. Ang mga Ampatuan ay kilalang kalaban ng MILF. Noong Disyembre 23, 2003, nasawi ang anak ni Ampatuan na si Datu Saudi, at 18 iba pa sa naganap na pambobomba sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao. Si Datu Saudi ay alkalde ng Datu Piang nang maganap ang pag-atake na hinihinalang kagagawan ng MILF. Nitong Miyerkules, binomba rin ang convoy ni Sulu Gov. Abdusakur Tan sa tapat ng kapitolyo ng lalawigan kung saan 10 ang nasugatan. â Malu Cadelina Manar, GMANews.TV
More Videos
Most Popular