ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
NBI: Asawa ni Ted Failon nag-suicide
MANILA â Suicide. Ito ang resulta sa isinagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation kaugnay sa pagkamatay ni Trinidad Etong, asawa ng sikat na brodkaster na si Ted Failon. Sa ulat ng dzBB radio nitong Huwebes, sinabi ni NBI director Nestor Mantaring na ang resulta ng imbestigasyon ay batay sa circumstantial at testimonial evidences. Sa anim na pahinang pahayag ng NBI, lumitaw umano sa ballistic results at psychiatric analysis na tinangka ni Gng Etong na patayin ang sarili sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili noong Abril 15 sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City. Buhay pa nang abutan ni Failon ang asawa na duguan sa loob ng banyo at dinala ito sa New Era General Hospital kung saan ito namatay pagkaraan ng isang araw dahil sa isang tama ng bala sa sentido. "Based on evidence gathered, Mrs. Etong was found to have suffered from a major depressive disorder," ayon sa NBI. Wala umanong palatandaan na magpapakita na may kasama ang biktima sa loob ng banyo nang magbaril ito sa sarili kaya imposibleng magkaroon ng foul play. Inihayag naman ni Edward Villarta, NBI-National Capital Region director, na gawa ni Gng Etong ang nakitang âsorry" letter kung saan humihingi ito ng patawad kay Failon. Nagkaroon ng pagdududa sa naturang sulat dahil sa salitang âpo" na hindi umano normal sa pag-uusap ng mag-asawa. Hindi binanggit sa sulat kung ano ang dahilan ng paghingi ng paumanhin ni Gng Etong. Ngunit ayon kay Failon, tungkol ito sa problemang pinansiyal ng kanyang pamilya. Nakumpirma naman ng NBI ang problemang pinansiyal na sinasabi ni Failon dahil sa impormasyon na nakuha ng mga imbestigador sa Metropolitan Bank and Trust Company (Metrobank) tungkol sa paglapit ni Gng Etong sa kanila tungkol sa "financial problem." Hiniling umano si Etong sa bangko na bigyan siya ng fake bank certificate pero hindi siya pinagbigyan ng Metrobank. Dito na umano nagsimula na magkaroon ng massive depressive disorder ang biktima. Hindi na inusisa ng NBI sa bangko kung magkano ang sangkot na halaga. Inilipat sa NBI ang imbestigasyon sa kaso ni Failon dahil na rin sa rekomendasyon ni Interior Secretary Ronaldo Puno at ng National Police Commission (Napolcom), upang maalis ang pagdududa na may kinikilingan ang mga imbestigador ng Quezon City Police District. Sa panayam sa radyo, sinabi ni Atty. Kristine Tiangco, abogado ni Failon, na natutuwa ang kanyang kliyente sa naging resulta ng imbestigasyon ng NBI. Umaasa umano ang pamilya ni Failon kasama ang mga anak nito na maipagpapatuloy nila ang normal na buhay sa kabila ng naganap na trahedya. "To be frank about it, hindi niya alam kung matutuwa siya. Definitely hindi siya natutuwa kasi nag-suicide ang asawa niya. Pero siguro relief ang nararamdaman niya," ayon kay Tiangco. Idinagdag ni Tiangco na dahil sa resulta ng imbestigasyon ng NBI, wala ng basehan ang mga pulis para kasuhan pa si Failon. Naunang sinampahan ng mga pulsi ng kaso obstruction of justice ang brodkaster at mga kasambahay nito dahil sa paglinis sa lugar ng pinangyarihan ng insidente. Ngunit ibinasura ng Prosecutor's Office ang naturang kaso. "Since nag-suicide na po ito wala na silang basis to file any case of homicide or parricide," ayon sa abogado. Tumanggi naman muna si QCPD chief Senior Superintendent Elmo San Diego na magkomento sa kaso ni Etong hangga't hindi pa nila nababasa ang buong report ng NBI. â GMANews.TV
More Videos
Most Popular