ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sex education ‘di dapat ipaubaya lang sa DepEd


MANILA – Hindi umano dapat ipaubaya lamang sa Department of Education (DepEd) ang pagtuturo ng sex education sa mga estudyante para mabigyan ng gabay ang mga kabataan sa pagtingin sa usapin ng pakikipagtalik. Ang pahayag ay ginawa ni Cubao Bishop Honesto Ongtico kasunod na rin ng rekomendasyon ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na panahon na para ituro sa mga kabataan ang sex education dahil sa paglipana ng mga sex video sa Internet at maging sa cellular phone. Sa panayam ng Radio Veritas nitong Huwebes, sinabi ni Ontico na dapat maging bahagi sa pagbalangkas sa sex education sa kabataan ang Simbahan at iba pang kinauukulang ahensiya. “Palagay ko dapat ‘yong branch ng government na education that will handle this has to coordinate siyempre with the church, with other competent authority at hindi siya (DepEd) dapat nag-iisa," paliwanag ng obispo. Pinuna ni Ontico ang ginawa umano noon ng ahensiya sa pagkuha ng mga modules na gagamitin sa pagturo sa mga mag-aaral na galing sa ibang bansa. “Like in the past, kung minsan they even get modules from the states (US). E iba naman ang kultura natin, Filipino tayo. You cannot just inter-faced ‘yong itinuturo sa grade 2 sa states sasabihin mo pwede rito, hindi ganun," ayon kay Ontico. Idinagdag ni Ontico na hindi na umano bago ang sex education. Katunayan, maging siya noon ay nagtuturo rin tungkol sa naturang paksa. “I was even given sex education before pero ang tama at angkop sa edad ng bata at sa Catholic perspective. Hindi ‘yong ipakita lahat ang malaswa, aba’y hindi na ‘yan sex education," pahayag ng obispo. Iginiit niya na sagrado ang pakikipagtalik na biyaya ng Diyos sa mga nilalang. “I am talking and teaching it since 1973…So part of my instructions ay sa catholic Christian life, Christian living. Dapat nasa catholic view of sex." - GMANews.TV