ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Adel Tamano lilipat sa NP ni Villar


MANILA – Nakatakda umanong manumpa bilang kasapi ng Nacionalista Party (NP) na pinamumunuan ni Senador Manny Villar sa Huwebes si Atty. Adel Tamano, tagapagsalita ng United Opposition (UNO). Sa ipinalabas na media advisory ng NP nitong Miyerkules, sinabing kasama si Tamano sa mga manunumpa sa partido sa Laurel Old House, Shaw Blvd., Mandaluyong City. Walang binanggit na paliwanag ang kampo ni Villar sa pagtalon ni Tamano sa NP mula sa UNO na pinamumunuan ni dating Pangulong Joseph Estrada at Makati Mayor Jejomar Binay. Nagsilbing tagapagsalita si Tamano ng Genuine Opposition (GO) noong 2007 senatorial elections. Kasalukuyan din siyang presidente ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, at abogado ng kontrobersiyal na si Dra. Vicky Belo. Una rito, nagreklamo si presidential political adviser Secretary Gabriel Claudio sa ginagawang pagsalakay umano ng NP sa mga kasapi ng partido ng administrasyon na Lakas-Kampi-CMD. Kinumpirma naman ni Gilbert Remulla, tagapagsalita ng NP, na nanumpa bilang kasapi ng kanilang lapian ang 19 na alkalde, 21 bise alkalde at marami pang konsehal sa lalawigan ng Bohol noong nakaraang linggo ngunit hindi umano nila ito pinilit. “The recent swearing in of mayors and other local government officials was a mutual decision between the said officials and the Nacionalista Party," ayon kay Remulla. “It is beneficial for both the local government executives and NP as Sen. Manny Villar is perceived to be the frontrunner in the presidential race of 2010," idinagdag niya. Sa halip na pag-isipan ng masama ang NP, pinayuhan ni Remulla ang administrasyon na ayusin ang gusot sa bagong sanib na Lakas at Kampi upang hindi madismaya ang kanilang mga kapartido. “Perhaps what Secretary Claudio should be concentrating on – instead of blaming NP – is filling in the cracks and closing the gaps in their newly formed party. We wish them the best of luck in that endeavor," pahayag ni Remulla. - GMANews.TV