Filtered By: Topstories
News

Hidwaan nina Zubiri at Fernando lumalala


MANILA – Kung si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang tatanungin, hindi umano dapat piliing standard bearer ng administrasyon si Chairman Bayani Fernando ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Sa panayam ng media nitong Martes, inakusahan ni Zubiri si Fernando na diktador sa binuwag na partidong Lakas-CMD at walang malasakit sa mga maralita. Ipinaalala ni Zubiri na noong Oktubre 2007 ay hiniling niya kay Fernando na ipagpaliban nang isang linggo ang paggiba sa hilera ng mga bahay sa Quezon City dahil na rin sa pakiusap sa kanya ng mga pamilyang maapektuhan ng demolisyon. “Noong October 10, 2007 sa isang committee on housing hearing may lumapit sa akin na halos daan-daang pamilya, at nakikiusap na kung puwede huwag gibain iyong kanilang tahanan sa Quezon City. Ang pakiusap lang nila ay sana bigyan lang sila ng tatlong linggo para ma-dismantle iyong kanilang mga bahay," kuwento ng senador. Bilang pinuno noong Senate committee on housing, nagpatawag umano si Zubiri ng pagdinig na dinaluhan ng mga apektadong pamilya at pati na si Fernando na kapartido niya sa Lakas-CMD. “Nagpa-hearing ako at nakiusap ako kay Chairman Bayani Fernando hindi bilang senador kundi blang chairman ng committee on housing. Nakikiusap ako sa’yo (Fernando) na kung puwede magkapa-partido tayo ay pagbigyan lang ng tatlong linggo ang mga tao para makalipat sila nang maayos,’ ayon kay Zubiri. Nakatala umano sa rekord ng komite ang pagpayag ni Fernando sa kahilingan ni Zubiri ngunit pagkalipas lang umano ng limang araw itinuloy ng MMDA ang demolisyon sa mga bahay. “Bumalik iyong mga informal settlers sa akin na umiiyak at nagtatanong anong nangyari sa pinag-usapan natin at pinangakuan ni Chairman Fernando. This is on record," himutok ni Zubiri. “So ganyan ba ang klase ng taong gusto nating maging presidente na walang puso para sa mahihirap? At hindi tumutupad sa usapan? Sinong traydor ngayon? tanong ng senador. Una rito, kinastigo ni Fernando si Zubiri dahil sa pagkiling kina Vice President Noli De Castro at Defense Secretary Gilbert Teodoro na kapwa pinagpipilian na magiging standard bearer ng bagong sanib na Lakas-KAMPI-CMD sa 2010 presidential elections. Reklamo ni Fernando, higit na pinibigyan ng atensyon ng partido si De Castro at Teodoro na kapwa hindi naman kasapi ng Lakas o Kampi. Si De Castro ay nanatiling indepedyente, habang galing sa Nationalist Peoples Coalition si Teodoro. - GMANews.TV