ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Simbahan gumagawa ng paraan para 'di kumalat ang A(H1N1)


MANILA – Patuloy na naghahanap ng paraan ang Simbahang Katoliko para makatulong sa Department of Health upang mapigil ang pagkalat ng Influenza A(H1N1) virus sa bansa. Sa panayam ng isang himpilan sa radyo, sinabing iminungkahi ni Joro, Iloilo Archibishop Angel Lagdameo sa kanyang nasasakupan na huwag munang maglagay ng holy water sa holy water pond sa mga simbahan upang hindi maging daan sa pagkalat ng virus. Sa ipinalabas na talaan ng DOH nitong Miyerkules, umabot na sa 604 ang kumpirmadong kaso ng A(H1N1) virus sa bansa. Ayon kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco, may iba pang mga praktikal na paraan para makatulong sa kampanya laban sa pagkalat ng A(H1N1) katulad ng pag-iwas muna na haplusin at hagkan ang imahen ng mga santo. “Yun dapat maiwasan yun dahil another way of transmitting or getting kung wala ka makakakuha ka ng virus," tugon ni Ongtioco sa panayam ng Veritas radio nang tanungin kung dapat munang iwasan ang paghalik at paghawak sa mga santo. Nauna nang iniutos sa simbahan na itigil muna ang paghahawak-hawak ng kamay sa misa at pagsubo ng pari ng ostiya diretso sa bibig ng nagkokomunyon. Sinabi ni Ontioco na posibleng iwasan na rin muna ang pagmano at paghalik sa kamay ng mga pari at hayaan na lamang sila ang tumapik sa ulo ng mga nagtutungo sa simbahan. “Sa ibang lugar they have refrain (sa pagmamano at paghalik sa kamay ng pari)…pero tinitingnan natin ang sitwasyon. Kung simpleng tao for them, it would fulfill their veined, in general we try to instruct them, what I going to do is to tap their head, pagpalain ka ng Panginoon yung ang ginagawa ko sa halip na magpamano," paliwanag ng obispo. Ngunit pinakamabuti pa rin umano na sundin ang payo ng pamahalaan na laging maghugas ng kamay, manatiling malinis sa katawan at pakikiramdaman ang kanilang sarili bago magtungo sa simbahan kung may sinat o wala. Idinagdag ni Ontioco na sa patuloy na pagdami ng kaso ng A(H1N1), pinakamabuti pa rin na ipagpatuloy ng mga Filipino ang pagdarasal para matigil ang pagkalat ng virus. “Ang prayer that’s the bottom line, we need to pray, pray hard para masugpo ito at lahat ng mga ibang klaseng virus na nakakahawa na nakakasira hindi lang sa katawan ngunit sa kaluluwa sa kaisipan ng tao," pagdiig ng obispo. - GMANews.TV