ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Nograles: Memo para sa mas mahabang bisa ng 'load' 'wag harangin


MANILA – Hiniling ni Speaker Prospero C. Nograles nitong Sabado sa mga telecommunication companies na huwag harangin ang bagong kautusan na ipinalabas ng National Telecommunications Commission para triplihin ang bisa ng expiration period ng prepaid loads sa mga mobile phones. Sa halip na muling magtungo sa korte para pigilin ang naturang kautusan ng NTC, hinimok ni Nograles ang mga telcos na mag-isip ng ibang paraan upang mabigyan ng abot-kayang serbisyo ang kanilang mga kliyente. Ginawang halimbawa ni Nograles ang “Call All Landline" ng Philippine Long Distance Telephone Company (PLDT) na magbibigay ng murang serbisyo ng pagtawag sa kanilang mga konsumer. “With this new service, an existing PLDT landline subscriber can have a second SIM-based line which can be used in any open line handset. The second line can be brought outside the customer’s local service area (or home zone) and used to make calls to PLDT customers within same local service area at no extra cost," paliwanag ng kongresista. “ This Call All program of the PLDT is just one of the many innovative steps that can make life easier for millions of Filipinos whether they are from the slums or from the ritzy mansions of Forbes Park. Affordable text and voice calls are great social equalizers and I'm glad that one of our telcos is taking great strides to make it happen," idinagdag niya. Nitong Biyernes, nagpalabas ng kautusan ang NTC para pahabain ang buhay ng mga prepaid credits sa mga mobile phones na mas kilala sa tawag na “load." (Basahin: Bisa ng cellphone 'load' pinahaba) Sa Memorandum Circular No. 03-07-2009 na ipinalabas ng NTC, ang prepaid card na P10 ang halaga ay dapat tumagal ng tatlong araw sa halip na isang araw. Ang P30 naman ay tatagal ng 15 araw, habang ang prepaid card na P50 hanggang P100 ay maaaring gamitin ng isang buwan. Ang mga load na P100 hanggang P150 ay magagamit ng hanggang 45 araw, samantalang dalawang buwan ang itatagal ng credit load na mula P150 hanggang P250. Mananatili naman sa 75 araw ang bisa ng load na P250 hanggang P300, at 120 araw ang bisa ng load na mahigit P300. Magkakabisa ang naturang patakaran 15-araw matapos itong mailathala sa mga pahayagan. Taong 2000 nang magpalabas ng kautusan ang NTC na nagsasaad na dapat tumagal ng dalawang taon ang expiry period ng prepaid cards. Ngunit kinuwestiyon ito ng mga telecommunications companies sa korte at hindi na umusad dahil sa ipinalabas na temporarily restraining order.- GMANews.TV