ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Singil sa toll ng SLEX, Skyway dapat bawasan - Revilla
MANILA â Iginiit ni Sen. Ramon âBong" Revilla Jr., na dapat bawasan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang sinisingil na toll sa South Luzon Expressway at Skyway dahil hindi naman bumibilis ang biyahe ng mga motorista na dumadaan dito bunga na rin ng mga ginagawang pagkumpuni sa lugar. Sinabi ni Revilla na dapat bawasan ng kalahati ang toll fee sa naturang lansangan dahil hindi naman naibibigay ng TRB ang layunin nitong mapahusay ang daloy ng trapiko sa highway. âHabang patuloy ang pagpapalapad at pagkumpuni, dapat na may diskuwento sa toll rates hanggang matapos ang rehabilitasyon ng SLEX at Skyway upang matiyak na magiging maayos at mabilis ang pagbiyahe na siyang layunin ng pagbabayad," ayon sa mambabatas. "Hindi naman yata patas na magbayad ng buong halaga ang motorista na hindi naman tapos ang paghahatid ng kaukulang serbisyo," paliwanag ni Revilla, pinuno ng Senate committee on public works and highways. Sinabi ni Revilla na nadadagdagan ang gastusin ng mga drayber sa pagdaan sa SLEX at Skyway bukod pa sa oras na nawawala sanhi ng mabagal na daloy ng trapiko sa naturang highway. Pinagsabihan din ng senador ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Philippine National Construction Corporation (PNCC) na tiyakin matutupad ang pangako nitong tatapusin ang rehabilitasyon ng lansangan sa itinakdang panahon. âDapat na tuparin nila ang kanilang pangako na kumpleto na ang rehabilitasyon bago matapos ang taong ito. Kapag naantala ang proyekto, mangangailangan ito ng dagdag na pondo na magmumula sa mga taxpayerâs money," pagdiin niya. Tinatayang umaabot sa mahigit 250,000 sasakyan ang dumadaan sa SLEX araw-araw at tumataas pa ang naturang bilang ng 15 porsiyento kapag holiday season. Nagsimula ang rehabilitasyon ng daan noong 2006 at inaasahang matatapos ang pagkumpuni ngayong taon. Dating 4-lane expressway mula sa bukana ng Alabang Viaduct sa Muntinlupa City hanggang sa Brgy. Turbina sa Calamba, Laguna ay ginawang 8-lanes mula Alabang Viaduct hanggang Sta. Rosa, at 6-lanes naman mula Sta. Rosa hanggang Brgy. Turbina. Pinahahaba pa ito ng 8 kilometro mula Brgy. Turbina sa Sto. Tomas, Batangas upang idugtong sa Southern Tagalog Arterial Road (STAR). Ang Metro Manila Skyway (MMSW) naman o Skyway ay nagsisimula sa Brgy. San Isidro, Makati City at matatapos sa San Martin de Porres, Parañaque City. Papahabaan pa ito ng 11 kilometro mula San Martin de Porres hanggang Alabang at ikakabit sa North Luzon Expressway (NLEX). - GMANews.TV
More Videos
Most Popular