ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Life imprisonment: Mag-asawa hinatulan dahil sa Pasig ‘shabu tiangge’


MANILA – Life imprisonment ang naging hatol ng Pasig Regional Trial Court kay Amin Imam Boratong at sa asawa nitong si Sheryl Molera kaugnay sa kontrobersyal na “shabu tiangge" sa Pasig na sinalakay ng mga awtoridad noong 2006. Tinawag naman na “tagumpay ng mga Filipino" ni Dangerous Drugs Board (DDB) chairman Vicente Sotto III ang naging desisyon ni Pasig RTC branch 154 presiding Justice Abraham Borreta sa mag-asawang Boratong. Bukod sa habambuhay na pagkabilanggo, inatasan din ni Borreta si Boratong na magbayad ng P10 milyong danyos dahil sa paglabag sa probisyon ng Comprehensive Dangerous Drugs Act. Pinagbabayad din ng korte si Molera ng P1 milyon dahil sa pakikipagsabwatan sa asawa sa pagpapatakbo ng “shabu tiangge" sa Mapayapa Compound, Pasig. Tinatayang 51.19 gramo ng shabu o methamphetamine hydrochloride ang nakita umano kay Molera nang madakip ito noong 2006. Naging kontrobersiyal ang pagsalakay sa shabu tiangge – kung saan maaaring bumili ng shabu at doon na rin "gumamit" ng droga ang parokyano - dahil ilang metro lamang ang layo nito sa City Hall ng Pasig. Ayon kay Borreta, naging matibay ang kaso laban sa mag-asawa dahil sa testimonya ng mismong kapatid ni Boratong at dating kanang-kamay sa operasyon na si Man Samer Palo. Bukod pa rito ang mga ipinakitang ebidensya at testimonya ng iba pang testigo. Kasabay nito, ibinasura ni Borreta ang kasong kidnapping na isinampa ng mga Boratong kay Palao.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Isinakripisyo Matapos ang hatol, ililipat kaagad si Boratong sa New Bilibid Prison sa Muntinglupa mula sa kostudiya ng National Bureau of Investigation (NBI). Sa Correctional Institution for Women (CIW) naman sa Mandaluyong City dadalhin si Molera. Sinabi ng abogado ng mag-asawang Boratong na maghahain sila ng motion for reconsideration sa naging desisyon ni Borreta. Tahimik na umiiyak si Molera nang marinig na ang desisyon ng korte, habang kalmado naman si Boratong. “Puro imbento, puro gimik," pahayag ni Boratong matapos na ibaba ang hatol. Iginiit nito na ang kanyang kapatid na si Palo ang tunay na namamahala sa nadiskubreng shabu tiangge. “Mapagtakpan lang niya yung ginawa niya, sinakripisyo niya ako…sana makarma siya sa ginawa niya sa akin," idinagdag ni Boratong. Tagumpay Ipinagbunyi ni Sotto ang desisyon ni Borreta na malaking tagumpay umano sa kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga. Kabilang ang Pilipinas sa mga bansa na tinukoy sa ulat ng United Nation’s Office on Drug and Crime na ginagamit na major transshipment point ng shabu. "This [decision] sends a strong message that the three pillars of enforcement prosecution and judiciary are working together to hit the drug peddlers with its full force," ayon kay Sotto. “This just proves that in the end justice will prevail," idinagdag naman ni Dionisio Santiago, pinuno ng Philippine Drug Enforcement Agency. Sinabi ni Santiago na “kumpleto" sa elemento ng isang mabigat na kaso ng ilegal na droga ang usapin kay Boratong na may kasamang “pananakot" at “pera." "Hindi lahat kaya ng pera e," ayon kay Santiago kasabay ng pahayag na hindi nasayang ang kanilang pagsisikap sa kaso ni Boratong. Masaya rin umano ang pamunuan ng NBI sa kinalabasan ng kaso ni Boratong. "Their conviction is a resounding victory in the fight against illegal trafficking of drugs and we are happy that we are instrumental in making it possible," ayon kay NBI deputy director for intelligence services Ruel Lasala, pinuno ng Anti-Illegal Drugs Task Force-NBI. Sa hiwalay na ulat ng GMA news 24 Oras, inamin ni Borreta na may mga taong nagtangkang kumausap sa kanya tungkol sa kaso ni Boratong. Ngunit iginiit niya na ang kanyang desisyon ay batay lahat sa ipinakitang ebidensiya at testimonya. - GMANews.TV