ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Magkasintahang tinedger natagpuan patay sa Bulacan


PULILAN, Bulacan – Bangkay na nang matagpuan ang magkasintahang tinedger na iniulat na nawawala mula pa noong Lunes matapos dumalo sa isang inuman sa Baliuag sa nabanggit na lalawigan. Unang nakita ang naagnas na bangkay ng babaeng si Princess Valdez, 15-anyos, residente ng Brgy Little Baguio, Baliuag, sa irrigation canal sa Brgy. Cutcot nitong Huwebes. Ayon sa Senior Police Officer 4 Rolando Cristobal, nakalutang ang mga labi ni Valdez sa patubig at wala itong saplot sa ibabang bahagi ng katawan. Pagkaraan ng isang araw, sumunod na nakita ang bangkay ng kanyang nobyo na si Mark Jay Cruz, 19-anyos, ng Brgy. Cutcot. Hindi umano kagad nakita ang labi ng lalaki dahil natabunan ito ng mga water lily. Sa pagsusuri ng mga imbestigador, lumitaw na kapwa may palo sa ulo ang dalawang biktima na hinihinalang dahilan ng kanilang pagkamatay. May posibilidad din umano na ginahasa ang babaeng biktima dahil sa kondisyon ng kanyang katawan nang matagpuan. Sinabi ni Cristobal na huling nakitang buhay ang magkasintahan noong Linggo ng gabi matapos makipag-inuman sa bahay ng dating amo ni Cruz sa Brgy. Tarcan sa Baliuag. Ngunit tumagal lang umano ng kalahating oras ang dalawa sa inuman at umalis na rin. Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek. - GMANews.TV