ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Unang 'Jukebox King'


Kilala nyo ba kung sino ang itinuturing unang “Jukebox King" ng Pilipinas na pumanaw sa murang edad dahil sa aksidente nang mabangga ang kotse na kanyang minamaneho? Bago pa man bansagan sina Victor Wood at April Boy Regino bilang mga jukebox king, unang kinilala sa Pilipinas bilang jukebox king si Eddie Peregrina noong dekada 60's hanggang 70s. Ang jukebox ang malaking makina na kailangan munang hulugan ng barya para makapili ng plaka (CD na ngayon) at mapatugtog ang paboritong kanta. Ilan sa mga awitin ni Peregrina na mistulang naging “pambasang awit" sa mga jukebox, radyo, restaurant at maging sa mga “kabaret" (night club na ngayon) ay “Together Again," "Two Lovely Flowers," "Mardy", "I Do Love You," "Puppy Love," at "What Am I Living For?" Bukod sa pag-awit, gumawa rin ng mga pelikula si Peregrina na pawang naging box-office sa takilya. Nakasama rin niya si Nora Aunor sa pagho-host ng isang programa sa telebisyon na may titulong “The Eddie-Nora Show" noong 1970. Ngunit noong Abril 1977, malubhang nasaktan si Peregrina nang nabangga ang kotse na kanyang minamaneho sa Mandaluyong. Isinugod ang mang-aawit sa Polymedic Hospital pero pagkaraan ng mahigit isang buwan sa pagkakaratay ay binawian siya ng buhay sa edad lamang na 32. - Fidel Jimenez, GMANews.TV